NGAYON pa lang ay marami na ang nag-aabang kung ano ang mangyayari sa mga karakter nina Lucas (Dingdong Dantes) at Maxine (Jennylyn Mercado) sa hit Philippine adaptation ng “Descendants of the Sun” sa GMA 7.
Nakatakda na kasing umere ang finale episode ng pinag-uusapan at laging trending na “DOTS PH” sa darating na Dec. 25.
Sa huling dalawang linggo nito, mahuhuli na ni Lucas ang rebeldeng si Rodel (Neil Ryan Sese), ang kapatid ni Maxine na inakala ng kanyang pamilya na matagal nang patay.
Kahit na tapat sa kanyang responsibilidad bilang sundalo, alam ni Lucas kung gaano kamahal ni Maxine ang kanyang kapatid kaya naman gagawa siya ng paraan upang maproteksyunan ito.
Magtagumpay nga kaya si Lucas at ang Alpha team sa kanilang misyon? Magkaroon pa kaya ng happy ending ang love story nina Big Boss at Beauty?
Napapanood pa rin ang “Descendants of the Sun” tuwing gabi, 9:20 p.m., sa GMA Telebabad. Kasama pa rin dito sina Rocco Nacino, Jasmine Curtis, Andre Paras, Antonio Aquitania, Ricardo Cepeda, Chariz Solomon, Renz Fernandez, Lucho Ayala, Jon Lucas at marami pang iba.
* * *
Hindi na rin maitago ng viewers ang kanilang excitement sa pagbabalik-telebisyon ng top-rating primetime series na “Love of My Life” ngayong Dis. 28 sa GMA Telebabad.
Matatandaan na nitong Nobyembre ay sumailalim sa 22-day lock-in taping ang cast na pinangungunahan nina Coney Reyes, Carla Abellana, Rhian Ramos at Mikael Daez para sa fresh episodes ng serye.
Ayon sa cast, hinding-hindi nila malilimutan ang mga naging experience nila sa pagte-taping under new normal.
Tulad din ng iba pang Kapuso stars na nagbalik-trabaho na, marami ring mga advantage ang lock-in taping pero siyempre, looking forward pa rin sila sa pagbabalik ng lahat sa normal.
Sa Instagram ay nagbahagi rin si Carla ng behind-the-scene photo na kuha mula sa kanilang lock-in taping, “Just as I mentioned, ‘Love of my Life’ is returning on primetime television before the year ends. Fresh episodes coming REAL SOON.”
Abangan ang kapana-panabik na pagbabalik ng “Love of my Life” sa GMA Telebabad.