SIGURADONG hindi basura ang 2020 Metro Manila Film Festival entry na “The Boy Foretold By The Stars” na ipinrodyus ni Jodi Sta. Maria.
Yan ang ipinangako ng buong produksyon ng nag-iisang BL o Boy’s Love movie sa MMFF 2020, kabilang na ang mga bidang sina Adrian Lindayag at Keann Johnson kasama ang best actress na si Iya Mina at sa direksyon ni Dolly Dulu.
Sa ginanap na virtual mediacon para sa pelikula, talagang dumaan daw sa audition si Adrian para sa lead role, “Nag-audition po ako. Last year mayroon akong event na dinaluhan.
“Ang ginawa nag-perform ako bilang singer at isa sa kasama ko roon ay si Ricci Reyes, batch mate of Direk Dolly Dulu sa Ateneo and a good friend of mine and a theater actress and part of the cast.
“Sabi niya na ‘yung kaibigan niyang si Dolly eh, sumulat ng pelikula para sa isang festival at pakiramdam nina Ricci na bagay ako kaya pinag-audition nila ako.
“Dumating ako sa audition na-meet ko sina Direk, pinabasa sa akin ang script, nabasa ko ang ilang eksena. Sabi ko, ayoko nang ibigay kahit kanino pa ‘yung role. Kaya audition pa lang kini-claim ko na akin na iyong role,” pahayag ni Adrian na nakilala nang husto sa seryeng “Kadenang Ginto” sa ABS-CBN.
Aniya pa, “Ipinagdarasal ko rin ‘yun at ipinagpaalam ko rin ‘yun sa mga kasama ko at director ko sa Kadenang Ginto. Kasi that time, kasabay iyon niyon. Kung hindi nila ako pinayagan baka sa iba napunta ang role.”
Unang pelikula ni Adrian ang “Foretold” at pumasok pa sa MMFF 2020 kaya feeling blessed talaga ang gay actor na humataw din noon sa hit musical na “Rak of Aegis”.
Ayon naman kay Direk Dolly, si Adrian talaga ang pinakamagaling sa mga nag-audition, “Consistenly, Adrian is a thinking actor. I guess natutuhan niya iyon sa pagganap niya sa ‘Rak of Aegis’ and being alongside with veteran actors. Makikita mo na iniisip niya and he comes prepared and you can see the drive.
“Kaya nga nasabi ko noong nag-audition siya na, ‘papatayin ako ni Adrian kapag hindi niya nakuha iyong role.’ Parang ganoon ‘yung gusto niyang sabihin,” sey pa ni Derek.
Samantala, siniguro ng lead star ng pelikula na kahit BL movie ito, lahat ay makaka-relate sa kuwento dahil lahat naman daw tayo ay nakaranas nang nagmahal — sa iba’t ibang uri at level nito.
“Actually natsa-challenge ako sa mga ganitong projects. Kasi bahagi iyon ng advocacy ko bilang actor. Ang mag-portray ng mga character na courier na part ng LGBTQIA plus community at iangat ang dangal at dignidad ng mga characters na iyon na makakapag-contribute sa pag-progress natin bilang community.
“This is also our responsibility bilang actors to portray these characters na hindi lang ito nakatatawa kailangan mayroon din silang ibang side, may ibang dimension. At sobra akong honor na mayroong isinulat na ganito si Direk Dolly kasi hindi naging mahirap para i-execute ang ganoong character.
“Mapapanood iyon sa pelikula na sinasabing bago iyong story, pero magtataka kayo na familiar pala iyong mga iyon. It’s the same love for everyone, ‘yun ang makikita sa pelikula,” magandang paliwanag ni Adrian.
Ang “The Boy Foretold By The Stars” ay mula sa Brainstormers Lab at Clever Minds, Inc., at mapapanood na worldwide sa pamamagitan ng Globe via UPSTREAM.ph sa halagang P250.
* * *
Speaking of Jodi Sta Maria, in fairness talagang gumastos siya ng napakalaking pera para mabuo at mapanood ng madlang pipol all over the universe ang “The Boy Foretold By The Stars.”
Ayon kay Direk Dolly Dulu, “Noong una parte lang siya when we’re still part of Sine Pilipino Festival. Para kasi makuha naming ‘yung rights she had to buy it out from the festival.
“We have to return the money that the Sine Pilipino gave us. So, siya na po iyon, ‘yung Clever Minds. At tiniyak ni Jodi na kung ano ‘yung dapat makuha talagang ginawa niya para ma-sure na quality ‘yung movie na mapapanood ng tao,” esplika ni Direk.
Wala rin daw special participation si Jodi sa pelikula, talagang producer lang ito. Pero promise niya, hindi lang basta BL movie ang “The Boy Foretold By The Stars” kung saan basta nagkakagustuhan lang ang mga bidang lalaki.
Ito ay isang selebrasyon ng realidad na ang pag-ibig ay destined para sa lahat. Isa ring masayang pelikula ang “The Boy Foretold By The Stars” aside from a heart warming young love na siguradong mas magpapasaya sa inyo ngayong Kapaskuhan.