Marami nang beses namura sa ere ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dating presidential adviser sa Covid-19 na si Dr. Anthony Leachon, ayon sa Malacañang.
Sinabi ni Secretary Harry Roque, tagapagsalita ng pangulo, na galit si Duterte sa pagkwestyon ni Leachon sa desisyon ng administrasyon kung kaninong pharmaceutical firm bibili ang Pilipinas ng vaccine.
“Na-edit lang po sa mga Talk to the People pero ang daming beses na po kayong namura ng Presidente. Kasi ang sabi niya, kung anu-ano sinasabi mo iyon pala nagnanais ka lang ng posisyon sa gobyerno,” wika ni Roque sa regular press briefing sa Palasyo nitong Lunes.
Tinutukoy ni Roque ang ‘Talk to the People on Covid-19’ sa Radio Television Malacañang kung saan nagbibigay ng briefing ang Pangulo kaugnay sa mga hakbangin ng gubyerno sa pagharap sa pandemya.
Nauna nang kinuwestiyon ni Leachon, dating adviser ng National Task Force against Covid-19 (NTP), kung bakit mas pinipili ng administrasyon na sa Sinovac Biotech ng China bumili ng vaccine.
“Isn’t it worrisome that the government is still prioritizing the vaccines for which there are not enough safety and efficacy data?” wika ni Leachon.
Umaabot sa 25 milyong doses ng pambakuna laban sa coronavirus ang nais bilhin ng Pilipinas mula sa Sinovac.
At dahil dito, paulit-ulit umanong minura ni Duterte si Leachon sa taping ng “Talk to the People on Covid-19” pero tinatanggal lamang ito kapag ini-edit ang vidoe bago isahimpapawid.
“Next time po murahin kayo ni Presidente, I will insist that it will be shown to the people. Baka akalain niyo natutuwa ang Presidente sa inyo? Hindi po,” ani Roque.
Sinigundahan ni NTF chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez, Jr. ang reklamo ni Roque kay Leachon at sinabing mahirap na katrabaho ang doktor.
“Sa NTF nagsama po kami, mahirap po siyang kasama. May sariling mundo,” wika ni Galvez.
Sinabi pa ni Galvez na “very questionable ang questions” ni Leachon kaugnay sa vaccine.