Ian kay Ate Guy: Ang sakit na, hindi ko na kayang manahimik

HINDI na napigil ng aktor na si Ian de Leon ang maglabas ng saloobin hinggil sa tunay na estado ng kanyang relasyon sa inang si Nora Aunor.

Nag-ugat ito sa hindi niya pagsipot sa inihandang party ng nag-iisang Superstar para sa kanyang 45th birthday last Friday, Dec. 11.

Emosyonal ang aktor sa kanyang live session sa YouTube kahapon na may titulong, “The Bitter Truth” kung saan ipinaliwanag niya kung bakit nagdesisyon siyang huwag nang pumunta sa in-organize na selebrasyon ng ina.

Hindi na raw niya kinaya ang masasakit na salitang ibinabato ng mga netizens dahil sa ginawa niya kay Ate Guy. Karamihan sa mga ito at nagsabing pambabastos umano ang pangdededma sa sarili niyang party.

“Ma, mahal na mahal kita. Hindi magbabago ‘yon. Pero ang sakit na. Hindi ko na kayang manahimik. Lalong-lalo na (para) sa mga kapatid ko,” simulang pahayag ng anak nina Ate Guy at Christopher de Leon.

Pagpapatuloy pa niya, “Let’s not play games anymore. Una sa lahat, kahit ang pamilya namin ay nasa industriya ng show business, kami ng pamilya ko mas pinipili naming maging private.

“Ang sa akin, ang gusto ko lang mangyari kung ano ang okasyon namin as a family, ang gusto ko ‘yung kami-kami lang.

“Una sa lahat, tumawag ang mommy ko. Tuwang-tuwa ako kasi ilang taon kaming hindi nag-usap. Tuwang-tuwa ako, nag-I love you-han kami, nag-I miss you-han kami. Nagkuwentuhan kami.

“Plano niya nitong birthday ko maghahanda siya which ilang taong hindi nangyari ‘yon. I was truly happy, overfilled with joy. Sinabi pa niya, ‘Anak, pasensiya sa lahat ng pagkukulang, sa lahat ng mga kasalan ko.’ And siympre bilang anak, ganun din ako. ‘Pasensiya narin, Ma,'” lahad ni Ian.

Aniya, talagang na-hurt siya nang sabihin sa kanya ng ina na gagamitin sa vlog ang kanilang reunion, “Bitter truth: ‘Yung phone call mo, nasaktan ako. Kinabukasan tinext mo ako, pwede ko bang gawing vlog ang pinag-usapan natin.

“Sumunod du’n mayroon siyang gustong ipapunta na tao. Sagot ko, ‘Sorry, Ma. I don’t think na magiging comfortable kami.’

“Alam ko nasaktan ka, nasaktan kita dahil ‘di ako sumipot. Naghanda ka. Best effort Ma. Hands down, I appreciate it from the bottom of my heart,” sey pa ni Ian.

Diin ni Ian, nagsasalita siya ngayon hindi para manumbat o manira, nais niya lang na lumabas ang katotohanan, “Kasi buong buhay namin, pinoprotektahan namin ang mommy namin, kahit hindi niya alam.

“Nandito kami, o. Ma, o, handang-handa naming ialay ang buhay namin para sa ‘yo. Tutulungan ka namin gawin lahat ng mga kailangan mo gawin sa buhay, bigyan mo lang kami ng pagkakataon.”

Nakiusap din siya sa kanyang ina, “Ma, alam ko nanonood kayo. Uulitin ko, mahal na mahal kita. Hinding-hindi magbabago ‘yon, Ma. Pakiusap ko lang bigyan mo naman ng chance ang family mo.

“Bigyan niyo kami ng pagkakataon na alagaan ka, mahalin ka, lambingin ka, araw-araw. Pakiusap, Ma. ‘Yung mga tao sa paligid niyo, alisin niyo na ‘yan, pamilya mo naman. Nakikiusap ako, bilang anak mo, bilang anak mo na nagmamahal sa iyo.

“Ang hiling ko lang sa birthday ko ay maging Nora Cabaltera Villamayor ka, hindi ‘yung Nora Aunor. Gusto ko maranasan ng mga apo mo ‘yung pagmamahal na puwede mong i-share. Gusto ko makasama mo sila habang may lakas pa tayo,” ang emosyonal pang mensahe niya sa ina.

Sa huling bahagi ng kanyang video, inulit niya kung gaano niya kamahal si Ate Guy, “I love you, Ma, and take care always, Ma. I’ll be talking to you, sabihin niyo na lang sa akin over the phone.

“Sana, basta mag-usap na lang tayo, Ma, soon. I wish to see you, I miss you. Mahal na mahal kita and sorry kung di ko nakayanang pumunta sa hinanda niyong celebration para sa akin. I really do appreciate that,” aniya pa.

Naluha pa nga siya nang makita ang birthday cake na may nakasulat na, “Happy Birthday, Ian! From Mommy.” “So sweet. Pero wala, e. Hindi ko kinayanan. Dahil on top of it all, sa karamdaman ko, yun. Nasabi ko naman na. Ayoko nang ulitin. Hindi ko alam kung saan ito papunta pero ito yung totoo.”

Read more...