SA new normal taping at shooting na ipinatutupad ng IATF ay mas gusto na ng nakararaming artista ang lock-in set up.
Sigurado raw kasing safe sila kaysa sa nagkakanya-kanyang uwi pagkatapos ng shoot dahil malaki ang posibilidad na tamaan sila ng COVID-19.
Sa nakaraang “physical” presscon ng “Suarez: The Healing Priest” na pinagbibidahan ni John Arcilla ay inamin niyang mas maganda ito para sa lahat, hindi lang sa kanilang mga artista kundi pati sa buong production din.
“Alam mo ‘yung new normal very strict ang ABS-CBN sa mga mga health protocols na sobrang positive para sa akin.
“Yung papasok ka at isa-swab ka, mag-stay ka muna sa hotel mo ng 24 hours to 48 hours then after you get the result bago ka palang mag-start ng taping mo ng two weeks.
“And after two weeks e-exit ka tapos swab ka ulit, then you will stay in your hotel again and wait for snother 48 hours to get the negative result and bago ka lang lalabas ulit.
“Pag nag-positive ka may choice ka if you’re going straight to your house or puwede kang tumuloy sa quarantine barracks ng ABS-CBN kasi hindi ka naman puwedeng umuwi sa pamilya mo kung positive ka.
“And during the shoot, ako sa experience ko, we can’t really get together or eat together. Hindi kami ini-encourage although may mga time na puwede kayong mag-gather pero hindi ka puwedeng mag-swimming sa hotel. Mga lamesa is one meter apart kaming mga artista.
“And we can only take out our face mask and face shield during the take na but during the rehearsals meron kaming face shield or ako minsan tinatanggal ko ang face mask ko para marinig ang salita ko.
“All the staff, directors lahat sila naka-face mask and face shield. Magtatanggal lang sila kapag nandoon na sila sa kuwarto nila. And marami kaming bantay sa amin na magre-remind na ‘wear your mask’ every now and then and kinukunan ka ng temperature para malaman dahil pag nagkalagnat ka, definitely swab ulit ‘yan at hindi ka pagtatrabahuin. And I really like it,” mahabang kuwento ng aktor.
At kapag may gusto silang ipabili sa labas ng hotel o ipa-order tulad ng Grab o Panda ay hanggang labas lang daw sila ng hotel at bago ipasok ay idi-disinfect pa bago iakyat sa kani-kanilang kuwarto dahil bawal din silang lumabas ng kuwarto kung walang taping.
Nabanggit din na pagkatapos ng two weeks taping at uuwi ka sa bahay ay dapat hindi ka lalabas ng bahay mo ng 14 days para pagbalik ng taping ay negative ka ulit.
Kaya tinanong namin kung hanggang kailan ang “FPJ’s Ang Probinsyano” kung saan si John ang pinakakontrabida bilang si Hipolito.
Nagbilang ng mga daliri sa kamay at sa paa si John at tumatawang sabing, “Hindi ko pa alam, wala pang plano (tapusin) si Coco (Martin).”
Dalawa raw ang direktor ng serye, si Direk Malu Sevilla at naka-assign ito sa mga kontrabida, kina John at sa office scenes sa Palasyo.
At si Coco naman para sa mga eksena niya kasama sina Yassi Pressman, Shaina Magdayao at iba pang miyembro ng Task Force Aguila.
“Unit 1 kami kay direk Malu at unit 2 sina direk Coco and we don’t stay in the same hotel, ‘yung unit 1 sa ibang hotel, unit 2 sa ibang hotel din but we are all shooting in Batangas,” sabi pa ni John.
Hindi rin sila nagkikita ni Coco maliban na lang kung kinakailangan ng eksena niyang tatawid siya sa unit 2.
“May eksena ako na tatawid pero babalik din ako sa dati. Isang malaking warehouse ‘yung location namin na tina-transform into different offices. Itatayo mo na lang ‘yung interior ng palasyo dito, ‘yung laboratory dito, ‘yung bahay o mansion dito,” paglalarawan ng aktor.
At nabanggit naming sobrang gastos ng serye sa new normal set-up, “Oo magastos talaga and in a way, I feel for the producers. Bilib ako sa perseverance at lakas ng loob ng ABS-CBN na talagang sumugal. Imagine lahat ng artista (kasama na ang staff and crew) ipapa-swab mo in and out? Tapos naka-hotel? Ang laki ng gastos,” sabi pa ni John.
Sa tanong namin kung gaano ka-honest ang ibang artista o production na sa pag-uwi nila at kailangan nilang mag-quaratine ng 14 days ay sumusunod talaga sila sa protocol na hindi umaalis ng bahay. Dahil may kilala kami na pagkatapos ng lock-in taping o shooting ay lumalagare sa ibang project.
“Ha-hahahaha! Well I’m sure may ganu’n. Hindi mo rin masisisi ang iba kasi kailangang maghanap-buhay, eh. Ganito lang naman ‘yan pag nag-positive ka at pag-enter mo ulit, hindi ka papasukin. Hindi ko sila sinisisi o dini-discourage kasi alam mo naman ang responsility mo sa sarili mo. Alam mong alagaan ang sarili mo at alam mong hindi ka papasok na positive,” paliwanag ni John.
Sa bahay daw niya ay siya ang namimili at hindi ang mga kasama nila sa bahay dahil alam niya sa sarili niya kung paano ito alagaan, “Because I know myself, I know how to control myself, I don’t know how they (kasambahay) handle the protocol,” katwiran ng aktor.
Pero hindi naman daw lumalagare si John ngayon kahit maraming offers dahil prayoridad niya ang “Probinsyano”.
At prayoridad din niya ang promo ng “Suarez: The Healing Priest” na mapapanood na sa Dis. 25 bilang isa sa entry ng Saranggola Media Productions sa Metro Manila Film Festival 2020 mula sa direksyon ni Joven Tan.