Jak Roberto, Royce Cabrera game magtambal sa BL series: Isa siyang art na nakaka-challenge

KUNG bibigyan ng chance, game na game na magtambal ang Pambansang Abs na si Jak Roberto at ang bagong Kapuso star na si Royce Cabrera sa isang BL o Boy’s Love series.

Kamakailan, muling pumirma ng management contract sa GMA Artist Center (GMAAC) si Jak na sinundan din ng contract signing ni Royce kasama ang mga Kapuso executives.

Sabi ni Jak, “Proud akong maging Kapuso dahil masasabi kong parte ako ng isang Network na nagbibigay ng saya sa mga tao pero higit pa roon, laging tumutulong sa ating mga kababayang nangangailangan.”

“Lubos po akong nagpapasalamat sa mga taong sumusuporta sa akin dahil walang katumbas ang pagmamahal nila sakin. Marami po silang aabangan mula sa akin sa darating na taon kaya sana abangan po nila,” aniya pa.

Kung matatandaan, nagsimula ang Kapuso hunk bilang co-host at performer sa “Walang Tulugan With The Master Showman” ni Kuya Germs hanggang sa makilala na rin siya bilang aktor sa mga Kapuso series at itambal kay Barbie Forteza na girlfriend na niya ngayon.

Hataw din si Jak bilang vlogger dahil may two million subscribers na rin siya sa YouTube.

“Nag-invest talaga ako sa gadgets para mas ma-enjoy ng subscribers ang content ko.

“Sana rin bumalik na sa normal ang lahat dahil miss ko nang mag-shoot ng travel vlogs. But for now, ineenjoy ko muna shooting content with my sister (Sanya Lopez) and my girlfriend,” aniya pa.

* * *

Samantala, mainit namang winelkam ng GMA 7a si Royce Cabrera na isa na ring certified Kapuso ngayon.

“Sobrang nakakatuwa po at nakaka-excite kasi grabe talaga ‘yung pag-welcome ng Kapuso Network sa akin. Sana ay magkaroon po ng more projects kung saan mas maipapakita ko pa ‘yung kakayahan ko sa pag-arte,” sabi ng binata na unang nakilala sa independent films na “F#*@BOIS” at “Lola Igna.” Napanood din siya sa “Magpakailanman” episode na “Fishergays.”

Sa tanong kung sino sa mga Kapuso stars ang gustong makatrabaho ni Royce, “Si Sir Dennis Trillo kasi may mga ilang palabas na niya akong napanood at talaga namang mahusay siyang actor. Gusto ko ring makatrabaho si Ms. Sanya Lopez dahil mahusay siya at nararamdaman kong may chemistry kami.”

Isa sa mga gagawin ng binata very soon ay ang upcoming GMA Public Affairs drama anthology na “My Fantastic Pag-ibig.”

Speaking of Jak and Royce, payag silang maging magka-loveteam sa isang BL or Boy’s Love series.

“Siguro gusto kong ituloy ‘yung pag-tandem namin ni Jak kasi nagsama kami sa Magpakailanman, naging dyowa ko siya doon, e.

“Kung bibigyan ng pagkakataon e, ‘di tuloy na namin ‘yun. Gawan na namin ng sequel,” sey ni Royce sa isang panayam.

Nang tanungin naman si Jak tungkol dito, “Why not? Alam mo, usung-uso ngayon ‘yan and sa akin, isa siyang art talaga na nakaka-challenge gawin.

“Malay mo i-entertain ng mga writer natin ‘yan, mga director, and production, gawin din natin. ‘Yung My Husband’s Lover, ‘di ba? Pumatok ‘yon, why not?

“Nababasa ko nga, nakikita ko sa social media ‘yung tungkol sa BL series, ako wala akong ano, game ako sa change, kahit ano ‘yan basta mapapakita natin ‘yung talent natin and mahahasa ulit ‘yung acting skills. Game ako diyan,” ani Jak.

Read more...