Paghuhukay ng telco sinisi sa paglala ng problema sa trapiko sa isang highway sa Cebu

Ipinatawag ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia nitong Biyernes ang mga opisyal ng Dito Telecommunity at ang contractor nito kaugnay sa malalang problema ng trapiko sa kahabaan ng highway ng bayan ng Consolacion.

Sa isang miting sa mga local chief executive mula sa northern towns ng Metro Cebu noong Biyernes, sinabi ni Garcia na naniniwala sila na ang isinasagawang paghuhukay ng third telco player ng bansa para magkabit ng fiber optic cables sa tabi mismo ng highway ay nakapagpalala sa problema sa trapik sa lugar.

Iniulat ng mga lokal na opisyal na dumalo sa pagpupulong na may kabuuang 11 potholes para paglagyan ng communication cables ng Dito.

“They’ve been digging along the highway which led traffic to be narrowed down to one lane instead of the usual two lanes,” sabi ni Garcia.

Sinabi pa ni Garcia na nakahanda ang provincial government na palitan ang mga pantakip ng butas na nawala na pero sisingilin nila ang telecom company sa gastos dito.

“They have covers, both plywood and steel plates, but they were easily removed. If they cannot afford the thicker steel plates, the province will cover these holes but we will be charging (its costs) to them,” wika ni Garcia.

“Everybody has to be cooperating here,” dagdag pa niya. “All hands on deck.”

Binalaan din ng gobernadora ang Dito at ang contractor nito na mapipilitan silang gumawa ng ibang hakbang kapag hindi naaksiyunan ng huli ang isyu.

“If they cannot correct what they did, which already is an added burden to the Cebuanos who have suffered enough from traffic, I might have to resort to other actions,” ani Garcia.

Dumalo sa miting  nitong Biyernes sina Mayors Johannes Alegado (Consolacion), at Christina Frasco (Liloan), at ang mga kinatawan mula sa Department of Public Works and Highways, Land Transportation Office, at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Nabatid mula kay Alegado na nagsimula ang paghuhukay may isang buwan na ang nakalilipas, at inaasahang matatapos ito sa ikalawang linggo ng Disyembre.

Gayunman, hanggang ngayon ay hindi pa natatapos ang kanilang trabaho, ayon kay Alegado.

Ang Consolacion ay isang first-class municipality na matatagpuan may  20 kilometro sa kanluran ng Cebu City.

Read more...