Tiwala si Deputy Speaker at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na makababalik muli sa ere sa 2021 ang TV giant na ABS-CBN na ang pagkasara ay sinabi niyang isang “kawalan ng hustisya.”
Ayon kay Atienza, sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Lord Allan Velasco ay maibabalik muli sa floor ng Kamara ang diskusyon sa pagpapalawig sa prangkisa ng ABS-CBN.
“I am really confident, justice will prevail by next year. They (ABS-CBN) were maltreated, they were maltreated, they were eventually assassinated, so they should be given justice,” ani Atienza.
“Ako, I am just giving the new Speaker time to settle. Hindi naman natin puwedeng biglain, major battle, kauupo lamang niya. But I am not shying away from the responsibility and for the opportunity to come – that I’m working on – para maibalik natin ‘yung floor discussion,” dagdag ni Atienza.
Para sa kanya, mistulang “firing squad” ang ginawang pagbasura sa franchise renewal application ng ABS-CBN.
Sa botong 70 pabor,11 na pagtutol at 1 abstain ay matatandaang ibinasura ng House committee on legislative franchises ang aplikasyon para sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN.
Sinabi naman ni House Minority leader at Abang-Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano na pagpasok ng 2021 ay maaari nang maghain ng franchise renewal application ang ABS-CBN alinsunud na rin sa panuntunan ng Kamara.
Sa ngayon ay wala pang mambabatas na pabor sa extension ng prangkisa ng ABS-CBN ang naghahayag ng kanilang intensyon na maghain ng panukala para irenew ang prangkisa nito. Subalit kung pagbabayaan ang House rules ay maaaring hindi na maghain ng bagong aplikasyon dahil maaari namang gamitin ang dati nang panukala dahil walang pagbabawal sa filing o refiling ng mga bills na hindi naaktuhan ng komite.
Nang tanungin si Atienza kung isa sya sa maghahain ng panukala para sa franchise renewal ng ABS-CBN, positibo ang kanyang naging sagot at sinabing gagawin nya ito pagdating ng panahon.
Matatandaan na nasa 16 mambabatas sa Kamara ang sponsor ng iba’t ibang resolusyon at panukala para sa franchise renewal noon ng ABS-CBN kabilang dito sina Reps. Sarah Elago, Sol Aragones, Arlene Brosas, Eufemia Cullamat, Lawrence Fortun, Mark Go, Rufus Rodriguez, Josephine Sato, Micaela Violago, Rosemarie Arenas, France Castro, Ferdinand Gaite, Loren Legarda, Vilma Santos-Recto, Joy Tambunting at Carlos Zarate. Ang dalawang sponsor na sina Paduano at Kabayan Partylist Rep. Ron Salo ay nagwithdraw ng kanilang suporta kalaunan.
Tiwala ang mga mambabatas na sa pagbabago ng liderato sa Kamara ay magkakaroon ng pag-asa na mabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.