Pulis kinasuhan ng NBI sa pagkabaril sa isang lolong nanonood ng tupada sa Quezon

Sinampahan ng kasong murder ang isang pulis sa lalawigan ng Quezon matapos umano nitong mapatay ang isang 62-anyos na lalaki sa isang raid sa ilegal na tupada sa bayan ng Tiaong.

Sa reklamong inihapag sa piskalya, sinabi ng National Bureau of Investigation Lucena District Office na “patraydor” at may “pag-abuso sa superyor na lakas” ang pagkapatay kay Jaime Garcia Matira ni Police Staff Sergeant Richard Bolima Soriano ng Quezon Police Provincial Office.

Sa counter-affidavit na isinumite ng pulisya sa Internal Affairs Service ng PNP, sinabing nakatanggap ang Tiaong Municipal Police Station ng sumbong na may nagaganap na tupada sa Barangay Anastacia sa Tiaong noong Hulyo 12. Ilan umano sa mga nagsasabong ay armado ng baril, ayon sa ulat na kanilang natanggap.

Si Matira, may-asawa at naninirahan sa Barangay Anastacia, ay kabilang sa mga taong nanonood sa sabong.

Walong operatiba ng pulisya, kabilang si Soriano, ang ipinadala sa lugar. Sa kanilang salaysay, sinabi nila na maingay at may kaguluhang nagaganap sa sabuhangan nang sila ay dumating.

Kasunod nito, paglalahad ng NBI, ay may mga putok ng baril na narinig, dahilan para magtakbuhan sa iba’t ibang direksyon ang mga taong nasa tupada.

“Nang tumigil na ang kaguluhan, natagpuan ang walang-buhay na biktima na may isang tama ng bala sa kanyang likuran,” ayon sa NBI.

Bagamat nagnegatibo sa paraffin test si Soriano, natagpuan sa isinagawang ballistic examination ng regional crime laboratory ng Calabarzon na ang balang tumama kay Matira ay mula sa 9mm Gloc 17 pistol ng naturang opisyal ng pulisya.

Matapos ang imbistigasyon sa reklamong idinulog ni Jhon Jhon Maulawin Matira, ang asawa ng biktima, kasong murder ang inihapag ng NBI sa Office of the Provincial Prosecutor ng Quezon laban kay Soriano.

“Law enforcers thrust their lives in unimaginable zones of peril. Yet, resort to wanton violence is never justified when their duty could be performed otherwise,” ayon sa kopya ng reklamo  ng NBI na natanggap ng Bandera.

“Never has homicide or murder been a function of law enforcement.”

Read more...