“BAKA natatakot siya o natatakot din ang producer na gumawa kami ng pelikula.”
Isa ito sa mga naiisip na dahilan ni Vhong Navarro kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nagkakasama sa pelikula ng kaibigan niyang si Vice Ganda.
Sa nakaraang virtual mediacon ng pelikula ni Vhong na “Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim” na official entry sa 2020 Metro Manila Film Festival, natanong ang comedian-TV host kung kailan kaya sila gagawa ng pelikulang pang-filmfest ni Vice.
Nakagawa na kasi ang Phenomenal Box-office Star ng filmfest movie kasama ang co-host din nila sa “It’s Showtime” na si Anne Curtis, ang “The Mall, The Merrier” last year.
Tugon ni Vhong, “Ang hirap sa kanyang gumawa ng pelikula na co-host niya rin sa It’s Showtime kasi, di ba, palaging napapanood araw-araw?
“Sa It’s Showtime kasi, lahat ginagawa namin ni Vice. With Anne, meron silang hindi pa nagagawa sa It’s Showtime na pwede nilang gawin sa movie.
“Unlike us, lahat, e. Kumbaga, bigay-todo kami ni Vice sa Showtime. Hindi ko kasi alam, baka natatakot siya or natatakot din ang producer na gumawa kami pareho ng pelikula,” pahayag ng komedyante.
Dagdag pa niyang paliwanag, “Kasi kung napapanood kami every day, kung ano-ano na ginagawa namin, e, dito ba magbabayad sila for us, napapanood kami sa TV?
“Hindi ko pa talaga alam kung paano. Ako, du’n ko lang siya binabasa,” hirit pa ni Vhong.
Samantala, excited na ang Kapamilya comedian-dancer-host sa pagpapalabas ng “Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim” simula sa Dec. 25 dahil talagang siniguro ng buong production na mag-eenjoy ang buong pamilya sa bagong adventure ni Mang Kepweng o Mang Keps.
Ito ang official entry ng CineKo Productions at Star Cinema sa taunang MMFF. Unang gumanap si Vhong sa “Mang Kepweng Returns” noong 2017 at nagbabalik nga ngayon para sa part 2 ng pelikula.
Sa mga hindi pa nakakaalam, lalo na ang Gen Z at millennials, ang original na Mang Kepweng ay ang iconic comedian na si Chiquito na pumanaw noong July 2, 1997. Ipinalabas ang unang “Mang Kepweng” sa mga sinehan noong 1979.
Mapapanood ang part 2 ng “Mang Kepweng” sa online streaming na UPSTREAM simula sa Dec. 25.