GENERAL SANTOS CITY — Maayong adlaw sa inyong tanan! Isang maganda at masayang araw po ang nais kong ipaabot sa inyong lahat lalung-lalo na sa mga tagasubaybay ng paborito nating Bandera.
Maligaya akong makakapagsimula muli sa kolum na Kumbinasyon upang sabayan na rin ang seryoso at determinadong pagbabalik sa pagbibigay ng galak at pagpupugay sa mga fans na hindi pa rin nawawalan ng pag-asa at tiwala na lahat tayo ay may pagkakataong bumangon muli.
Alam kong marami ang nalungkot at nadismaya sa aking pagkatalo noong isang taon at ito rin ay nagbigay sa akin ng matinding hinagpis dahil hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na maiwagayway ang ating bandera sa ibabaw ng ring.
Marami ang naiyak at kahit ako rin ay lubhang nadismaya kahit na maganda naman ang naipakita natin sa laban. Talagang ganyan minsan ang sports, may nananalo, may natatalo, at hindi na ito bago sa akin.
Hindi lang minsan sa aking buhay na natikman ko ang pait ng pagkabigo sa ibabaw at maging sa labas ng ring. Nalasap ko ang pait ng pagkatalo ngunit hindi ito naging sagabal sa pagbabalik at paghangad ng mas mataas pang mga pangarap.
With God on our side and a more solid faith in Him more than ever, I believe that we will once again rise to the top. Walang madali lalung-lalo na sa sport na boksing at wala ring shortcuts.
Gaya ng aking huling laban kontra kay Juan Manuel Marquez noong Disyembre, isang suntok lang ang kung minsan ay kinakailangan upang gumuho ang isang munti o matayog na pangarap.
Dito na po ako tumanda sa larangang ito at lubos kong nababatid ang sakripisyo na dapat kong ibigay muli. Para sa mga nawalan ng pag-asa, gagawin ko po ang lahat ng aking makakaya upang maghanda at manumbalik muli ang apoy na lumalagablab sa aking puso upang magwagi sa ibabaw ng ring.
Matagal na akong nagsasanay at hindi nagpapabaya dahil na rin sa pagmamahal ko sa inyong lahat, sampu ng aking mga fans, kaibigan at pamilya.
Ang aking pagkatalo ay pagkabigo nating lahat at hindi ko pababayaang maanod ito sa darating na Nobyembre. Madalas pong naglalaro ako ng basketball kung saan man ako napupunta.
Dahil dito sa General Santos ang napili kong lugar kung saan ako mag-eensayo para sa laban kontra sa Mexican-American na si Brandon “Bam-Bam” Rios, dito kami madalas naglalaro sa mahabang panahon na nakalipas.
Sa Maynila, magandang cardio workout na ang aming nasimulan. Kahit noong simula ng buwan sa Los Angeles, naglaro rin kami kaalinsabay ng promotional tour namin para sa laban.
Iniimbitahan ko po kayo na samahan ako sa Macau sa Nobyembre upang manood sa isang nagbabalik at bagong Manny Pacquiao.
Ako po ay umaaming nagkamali na rin minsan ngunit dito lalong tumitibay at natututo ang isang tao. Kasama ang aking mga trainers, mga kaibigan at mga katropa sa Bandera kabilang na rin si coach Freddie Roach na darating sa bansa sa mga susunod na araw, nagsisimula na po tayo para ibalik ang dating sigla at saya sa paghahanda.
Dito na po tayo sa Bandera magkitakits sa tuwing Martes at Biyernes. Hanggang sa Muling Kumbinasyon! May Almighty God Bless Us All Always.
Editor: Nais ng Bandera at ni Manny Pacquiao kayong marinig. I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606 o 09277613906.