Vhong nabawasan ang nerbiyos dahil hindi makakalaban ng ‘Mang Kepweng’ ang 3 ‘higante’ ng MMFF

AMINADO ang TV host-comedian na si Vhong Navarro na nabawasan ang nararamdaman niyang nerbiyos para sa official entry nila sa 2020 Metro Manila Film Festival, ang “Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim.”

Ito’y dahil hindi nga nila makakalaban this year ang mga higante ng MMFF tuwing Pasko na sina Vice Ganda, Coco Martin at Bossing Vic Sotto.

Sa virtual mediacon ng “Mang Kepweng” part 2 kagabi, natanong namin si Vhong kung ano ang reaksyon niya sa mga nagsasabing mas malaki ang chance na maging top grosser ang movie nila dahil nga walang entry ang tatlong hari ng filmfest.

“Siyempre ‘yung totoo nabawasan ‘yung kaba ko, konti. Kasi siyempre iba ‘yung Vice, iba ‘yung Bossing, iba ‘yung Coco, eh. ‘Di ba kapag filmfest, every year ‘yan, makikita mo sila, talagang banggaan ‘yan sa takilya,” paliwanag ni Vhong.

Ngunit aminado rin ang komedyante na sa kabila ng kaligayahang nadarama dahil napili ang “Mang Kepweng” bilang entry sa MMFF 2020, nanghihinayang din siya na  hindi ito mapapanood ng madlang pipol sa mga sinehan.

“Masaya dahil nakapasok kami, ang ‘Mang Kepweng.’ Kaya lang nandoon ‘yung konting lungkot kasi nga hindi tulad nang ini-expect natin na film fest.

“Ito ‘yung makabago. Na ang ie-enjoy na lang natin dito ay kung paano tayo papasok sa makabagong paraan at kung paano mae-enjoy pa rin ng tao na para silang nanonood sa totoong sinehan.

“Ang importante kasi rito ay kasama mo ang family mo. Basta para sa akin itong ‘Mang Kepweng’ ay ibinigay ko po ‘yung best ko at ibinigay namin ang best naming lahat, kaya sobrang saya ako,” pahayag pa ni Vhong.

Tinanong din namin ang Kapamilya comedian kung paano susuportahan ni Vice ang movie niya lalo pa’t kasama rin dito ang boyfriend ng TV host na si Ion Perez.

“‘Yun po nagsabi naman po siya, hindi ko alam kung sa live o sa taping niya binitawan. Kasi parang sinabi niya roon na wala muna akong Metro Manila Film Festival ngayon pero naka-support ako ngayon kay ‘Mang Kepweng,'” tugon ni Vhong.

Makakasama rin sa “Mang Kepweng” sina Jaclyn Jose, Barbie Imperial, Ritz Azul, Joross Gamboa, Fumiya Sankai, Yamyam Gucong at Ryan Bang, mula sa direksiyon ni Topel Lee. Ito’y mula sa Cineko Productions at Star Cinema.

Mapapanood online ang “Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim” at ang iba pang MMFF 2020 official entry sa mismong araw ng Pasko, Dec. 25, sa pamamagitan ng Upstream.ph..

Read more...