Hepe ng counter-terrorism ng NBI, patay sa tama ng bala

Natagpuang may tama ng bala ang pinuno ng National Bureau of Investigation Counter-Terrorism Division (NBI-CTD) sa loob ng kanyang opisina sa Maynila ngunit idineklarang wala na buhay sa ospital na pinagsuguran sa kaniya noong Martes ng hatinggabi.

Ayon sa inisyal na imbistigasyon ng Manila Police District Homicide Department, nakarinig ng putok ng baril mula sa opisina ni Raoul Manguerra, 49, sa headquarters ng NBI sa Taft Avenue sa Maynila dakong 11:39 ng gabi noong Lunes.

Sa pahayag sa pulisya ni Atty. Maria Rosario Bernardo, live in partner ni Manguerra, sinabi niya na nakatanggap lamang siya ng tawag mula sa isang kawani ng NBI-CTD para ipaalam sa kanya ang pangyayari.

Sa ospital, nalaman ni Bernardo, 50, na ang driver ni Manguerra na kinilala lamang sa pangalang Bert at isang casual employee ang nagsugod sa hepe ng NBI-CTD sa ospital.

Sa panayam ng INQUIRER.net, sinabi ni MPD Homicide chief Police Captain Henry Navarro na hindi sila maaring magbigay ng iba pang detalye kaugnay sa kaso dahil nagsasagawa pa ng sariling imbistigasyon ang NBI.

“Nung nagpunta kami sa NBI hindi kami pinapasok kasi they are doing their internal investigation. They are allowed naman,” wika ni Navarro.

“Whatever reason, kung ano nangyari kung suicide ba ‘yan, nag-accidental firing o binaril ba ‘yan, wala pa kaming alam,” dagdag niya.

Ayon pa kay Navarro,  pinili ng pamilya ng biktima na ang NBI na lamang ang humawak sa imbistigasyon ng insidente.

Pinasarhan kaagad ang ahensiya matapos ang insidente, wika ni NBI spokesman Ferdinand Lavin.

“The director has ordered a thorough investigation into the incident, including a lockdown on the NBI premises immediately after the incident,” sabi pa ni Lavin.

Wala pang pinal na ulat ang NBI kaugnay sa insidente, aniya.

Sa pahayag naman ni Bernardo, sinabi niya sa pulisya na may stage 3 colon cancer si Manguerra.

Read more...