TAGOS sa puso ang naging mensahe ni Sylvia Sanchez para sa anak na si Arjo Atayde matapos manalo ng best actor sa 2020 Asian Academy Creative Awards para sa digital series na “Bagman.”
Ang “Bagman” ay mula sa Dreamscape at Rein Entertainment na ipinalabas sa iWant ng ABS-CBN kung saan gumanap na barbero si Arjo na nagulo ang buhay dahil sa sindikato at politika.
Ayon kay Sylvia, ang bagong international acting award ni Arjo ang nagpapatunay na hindi nagkamali ang anak na pasukin din ang mundo ng showbiz.
“Ito ang mundo mo. Dito ka nararapat,” ang bahagi ng message ni Ibyang na ipinost niya sa Instagram.
Patuloy pa ng award-winning actress, “Sa lahat ng mga tanong mo, pagdadalawang isip at pangamba, ito ang eksaktong sagot, anak.
“Super super proud of you Juan Carlos Campo Atayde!!! Walang kasing sarap ang naging kapalit ng lahat ng hirap, kabiguan at pasakit sa ‘yo,” dugtong pa ng nanay ng Asia’s Best Actor.
“Abutin mo ang lahat ng gusto mo at dito lng ako mga kapatid mo at daddy mo na aagapay sa ‘yo kasama ng mga dasal ng buong pamilya at ng mga taong may tiwala, nagtiwala at nagmamahal sa ‘yo, at salamat sa lahat ng mga nagmahal at nagtiwala sa ‘yo,” pahayag pa ni Sylvia.
Paalala naman ng Kapamilya actress sa anak, sa kabila ng mga tagumpay na nararanasan niya bilang aktor kailangang palagi pa ring nakatapak ang mga paa niya sa lupa.
“Salamat sa pagiging pag-asa, ligaya at liwanag naming lahat. Kaka-proud ka,” dagdag pa niya.
Talaga namang gumawa ng kasaysayan si Arjo sa 2020 Asian Academy Creative Awards nang manalo at masungkit ang unang acting award ng Pilipinas sa main competition nito.
Para sa pagganap niya sa “Bagman,” nagtagumpay si Arjo laban kina Luo Jin (China), Manoj Bajpayee (India), Miller Khan (Indonesia), Bront Palarae (Malaysia), Anthony Wong (Hong Kong), Kha Ra (Myanmar), Zhang Yao Dong (Singapore), Prin Suparat (Thailand), at Ching-Ting Hsia (Taiwan).
Bago pangalanang pinakamagaling sa Asya, pinili ng jury members ng AAAs si Arjo bilang national winner na kumatawan sa Pilipinas sa Best Actor category.
Ang Dreamscape Entertainment at iWant (na ngayon ay kilala na bilang iWantTFC) naman ang pumili kay Arjo at nagpasok sa kanya sa local competition.
Bago pa man kilalanin sa ibang bansa, pinuri na ng maraming manonood at netizens sa Pilipinas ang pagganap ni Arjo bilang si Benjo Malaya, isang dating barberong umangat sa mundo ng pulitika at katiwalian.
Positibo rin ang reviews para sa dalawang seasons ng serye dahil sa matapang na paglalahad nito ng kalagayan ng lipunan at pagsusuri sa mundo ng pulitika at katiwalian. Napapanood pa rin ito sa iWantTFC app (iOS at Android) at sa site (iwanttfc.com).
Nasa ikatlong taon na ang AAAs, na itinuturing na pinakaprestihiyosong awards na kinikilala ang “creative excellence” sa buong Asia-Pacific kasama ang 16 bansa. Bahagi rin ito ng Singapore Media Festival.