Yorme inalala ang ‘laglag-hotdog’, retaso ng hamon bilang handa sa Noche Buena

BINALIKAN ni Manila Mayor Isko Moreno ang naging buhay niya sa Tondo bilang basurero at kung paano nila ipinagdiriwang noon ang Pasko.

Alam naman ng lahat na isang certified Batang Tondo si Yorme at talagang nabuhay siya at ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagbabasura at iba pang diskarte para lang may makain sila sa araw-araw.

Kaya naman alam na alam ni Isko kung ano ang pakiramdam ng mga kababayan nating laging walang laman ang tiyan, lalo na kapag sumasapit na ang panahon ng Kapaskuhan.

Ayon sa actor-politician, talaga raw dumidiskarte siya para makapag-uwi ng pagkain noong bata pa siya kapag malapit na ang Noche Buena.

“Naalala ko dati nagbabasura ako. Kapag mga abente tres at abente dos na, sasabihin ng nanay ko, ‘Tingnan mo kung may madale ka mamaya na hotdog at saka hamon para sa Pasko,'” pahayag ni Yorme sa panayam ng “Tunay Na Buhay” ni Pia Arcangel.

“Tapos merong isang lugar doon sa Muelle, ‘yung Divisoria Market. May portion doon na puro meat. E, kaya lamang, siguro sa dami ng nagtitinda, minsan may mga dumadausdos, nahuhulog na dalawang pirasong hotdog o nasasama sa plastik.

“O, kaya ‘yung tinatawag na retaso sa hamon. May retaso ‘yun, e, kasi pwede kang bumili ng slices ng hamon. Eh, kaya lang meron retaso ‘yon.

“Ayon, natsatsambahan ko ‘yun. Kaya lang minsan, maasim na. At least ‘di mo na kailangan ng suka. Ha-hahaha!” lahad pa ni Mayor Isko sa nasabing interview.

Ito rin daw ang dahilan kung bakit ipinag-utos niya sa local government ng Manila na mag-recycle na lang ng mga lumang Christmas decor ngayong taon para magamit nila ang budget sa mas mahalagang proyekto.

Kabilang na nga rito ang pagbibigay ng mga Noche Buena package para sa mga mahihirap na residente ng Maynila lalo na yung nga wala pa ring trabaho hanggang ngayon dulot ng pandemya.

“In preparation for the holidays, ang sabi ko, ‘Unahin natin ‘yung kagutuman. I-refurbish n’yo nga ‘yung mga parol. ‘Wag kayong bumili ng bagong parol.’

“Tapos, the same thing with our Christmas tree, so that we can save a lot of money.

“’Cause I really wanted to give about 650,000 families something to,  ‘yung may mapagharimunan sa gabi ng abente kwatro (Noche Buena),” pahayag pa ni Yorme.

Read more...