DIRETSAHANG inamin ng direktor na si Antoinette Jadaone na hindi si Charlie Dizon ang first choice bilang leading lady ni Paulo Avelino sa “Fan Girl”.
Ito’y official entry para sa 2020 Metro Manila Film Festival (digital) na magsisimula na sa darating na Dec. 25.
Nag-audition daw talaga si Charlie para sa nasabing movie at in fairness, siya nga ang napili bilang ka-loveteam ni Paulo at tinalbugan ang halos 700 iba pang babaeng nag-try for the project.
“Yung first leg ng auditions, may napili na kami. From 670 girls, we trimmed it down to 20 tapos naging 10 tapos naging seven.
“Yung seven na ‘yun, pinag-acting workshop namin sila tapos ‘yung last was a workshop with Pau para makita namin ‘yung chemistry. Pumili kami ng isa. Sa last minute, there were contract problems so she had to back out,” pahayag ni Direk Tonette.
“Naka-set na kasi ‘yung first shooting day namin, hindi na namin pwedeng mabago kasi tatlong beses na kaming napa-pack up for one reason or the other.
“Siyempre ‘yung budget lolobo. Madalian, na-call kami ng one more leg of auditions. Doon pumasok si Charlie,” paliwanag pa ni Direk.
Papuri pa niya kay Charlie, “Nu’ng unang pumasok siya, naka-make up nang todo. Parang commercial na go-see ‘yung pupuntahan. Kakalagay pa lang ng pilikmata niya.
“Sabi ko ‘Ay hindi puwedeng naka-make up. Gusto ko makita ‘yung bare.’ Kasi sa pelikula bare lang dapat. Hindi siya artista dito, fan girl siya. Nagtanggal siya ng makeup tapos pumasok ulit siya.
“Ang naalala ko talaga sa kanya, ‘yung lakad niya. ‘Yung lakad niya, lakad kanto tapos kung paano siya magsalita, akala ko kasi sa itsura niya, very mahinhin. Pero nu’ng nagsalita siya, salitang kanto din so sakto sa naiisip kong fan girl,” lahad pa ng Direk Tonette.
Para naman kay Paulo, swak na swak kay Charlie ang role, “Cute. Kasi ‘yun naman po ‘yung hinahanap. Kailangan mukhang high school, inosente ‘yung itsura at the same time nakatira sa hindi magandang environment ‘yung bata.
“Nu’ng nakita ko si Charlie at nakausap ko na siya, nakita ko rin kung bakit siya ‘yung pinili ni Direk Tonette,” dagdag ng binata.
Siyempre, super happy si Charlie nang marinig ang mga pahayag nina Direk at Paulo tungkol sa kanya. “Hindi rin po ako makapaniwala actually. Nu’ng ginagawa pa lang namin ito ni Direk Tonette, kapag halimbawa may eksena ako, nire-remind sa akin ni Direk na, ‘Oh finally ito ‘yung first lead film mo.’ Doon pa lang nagsi-sink in.
“Sobrang saya ko talaga na nabigyan ako ng chance and opportunity na ganito hindi ko rin akalain na lalabas na this December tapos sa MMFF pa. Lahat ng nangyayari sa ‘Fan Girl,’ surprise po sa akin,” chika ng dalaga.
Ang “Fan Girl” ay mula sa Black Sheep, Globe Studios, Crossword Productions, Project 8 at Epic Media. Nagkaroon na ito ng world premiere sa 33rd Tokyo International Film Festival last October.