Apela ni Velasco sa DOTr: Deadline ng RFID palawigin hanggang Marso 2021

Umapela nitong Lunes si Speaker Lord Allan Velasco sa Department of Transportation (DOTr) na palawigin pa ang deadline hanggang Marso 2021 para sa pagkakabit ng  radio-frequency identification (RFID) sa mga sasakyan.

Ayon kay Velasco, imposibleng makabitan ng RFID sticker ang  lahat ng 6.1 milyong rehistradong sasakyan sa Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon hanggang sa susunod na buwan.

“At the rate things are going, I don’t think all 6.1 million registered vehicles in Metro Manila, Central Luzon, and Calabarzon will be provided with RFID stickers by Jan. 11, 2021,” ani Velasco sa isang pahayag.

Ganundin, dapat umanong ikonsidera ng DOTr na dahil sa pandemya ay may mga may-ari ng sasakyan na hindi nakakalabas ng babay para makakuha ng RFID sticker.

“It would be more practicable if the deadline is further extended to March 31, 2021, to give all our motorists enough time to secure the stickers for the cashless payment system given that we are still in a pandemic where the movement of people is limited,” ani Velasco.

Dati nang sinabi ng DOTr na ang mga drayber ng sasakyang walang  RFID sticker na dadaan sa mga toll roads ngayong Kapaskuhan hanggang Enero 11 ay hindi sisitahin.

Ibinahagi ni Velasco ang obserbasyon ng House committee on transportation, na nagsagawa ng motu-proprio hearing noong Nobyembre 25 para tingnan ang mga posibleng suliraning kakaharapin sa implementasyon ng cashless payment scheme sa mga tollways.

Base sa kalkulasyon ng komite, aabot sa dalawang taon bago ang lahat ng sasakyang dumadaan sa tollways ay makabitan ng RFID sticker.

Iniutos ng DOTr ang pagpapatupad ng cashless toll collection sa mga  expressways at major toll roads sa layong maiwasan ang pisikal na kontak sa harap ng umiiral na pandemya, at para na rin masolusyunan ang pagbubuhol ng trapiko sa mga toll plaza.

Mula sa ulat ni Cathrine Gonzales ng INQUIRER.net
Read more...