NTC: Pagpasok ng bagong telco players ‘mabisang pamalo’ sa Globe, Smart

Ang pagpasok ng mga bagong telecommunication players sa bansa ay ang “pinakamabisang pamalo” sa Globe Telecom at Smart Communications para pagbutihin nila ang kanilang serbisyo, ayon sa National Telecommunications Commission (NTC).

Sa pagdining ng Senate committee on public services ngayong Lunes, sinabi ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba na inaasahan nila ang “matinding kompetisyon” sa sandaling magsimula na ng operasyon sa susunod na taon ang Dito Telecommunity.

“At sobra silang agresibo,” wika ni Cordoba patungkol sa Dito, ang ikatlong telco player na consortium ng Udenna Corporation na pag-aari ni negosyanteng taga-Davao City na si Dennis Uy at ng China Telecommunications Corporation.

“Kaya po medyo mapapalaban itong dalawang incumbents natin and that is the best whip. That’s the best stick for them kaya po sila gumagastos sa capital expenditures,” ani Cordoba.

“They are feeling that Dito is really a threat, and hindi lang po yun, Converge is also a threat right now. It’s being felt,” dagdag niya.

Maliban sa Dito at  Converge, sinabi ng hepe ng NTC na ang Red Broadband na pag-aari ng Manila Electric Co. ay magsisimula na ring mag-operate sa 2021.

“Kaya po we expect intense competition starting 2021 and hopefully ‘yun po ang magpapaganda pa at magpapabilis ng ating service,” ani Cordoba.

Binigyang-diin din ng hepe ng NTC ang pangangailangan sa dagdag na pondo para naman sa national broadband program ng Department of Information and Communications Technology.

Ipinabatid ni Senator Grace Poe, chair ng Senate committee on public services, na dinagdagan na ng Senado ang panukalang badyet ng NBP. Sa ilalim ng National Expenditure Program, pinalaki umano ang badyet sa P5.9 bilyon mula sa P900 milyon.

Para kay Poe, ang P900 milyong alokasyon para sa NBP ay “katawa-tawa” kung iisiping ang orihinal na hinihingi ng DICT ay P18 billion.

Hindi pa naipapasa ng Kongreso ang panukalang pambansang badyet para sa 2021.

Mula sa ulat ni Maila Ager ng INQUIRER.net
Read more...