UMABOT na sa mahigit 700,000 ang subscribers ni Super Tekla sa kanyang YouTube channel.
Pero late nang natanggap ng Kapuso TV host-comedian ang kanyang Silver Play Button award na ibinibigay sa mga YouTuber na meron nang 100,000 subscribers.
At bilang pasasalamat nga sa panibagong blessing na dumating sa career niya, nagsagawa ng relief mission ang komedyante sa isang lugar sa Quezon City.
Namigay si Tekla ng Noche Buena package sa ilang kapuspalad nating kababayan para kahit paano’y may panghanda ang mga ito sa darating na Pasko.
Ilan sa mga nabigyan ng Pamasko ni Tekla ang isang sidewalk vendor, basurero at delivery rider na nakilala niya habang nag-iikot sa Quezon City.
“Every single point sa aking YouTube channel ay dapat nating i-cherish ‘yan, dapat nating i-celebrate bilang pagpapasalamat at pagbibigay-pugay para sa inyong walang sawang pag-like, pag-share, at pag-subscribe,” pahayag ng komedyante.
Bukod dito, nagpaplano rin siyang mag-donate sa simbahan kapag nakuha na niya ang kanyang unang talent fee sa pagiging YouTuber.
Sey pa niya, “Sa lahat po ng magsu-subscribe sa aking channel, I will make charitable vlogs. So more of less, dito ako magpapatalsik ng biyaya sa aking YouTube channel.”
Promise naman ng host ng Kapuso comedy show na “The Boobay And Tekla Show” sa lahat ng nagmamahal at sumusuporta sa kanya bilang vlogger, mas gagalingan pa raw niya para sa kanyang libu-libong subscribers.
“Lalo pa akong magpupursige para hainan kayo ng good vibes at nakakatawang mga vlogs. Meron din kayong mapupulot na aral sa ating vlogs and, of course, sharing,” sabi pa ng Kapuso comedian.