Kumakalat ang balitang balik na naman ang bansa sa istriktong lockdown ngayong Kapaskuhan.
Totoo ba ito?
“Fake news po,” wika ni presidential spokesman Harry Roque, na siya ring tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Putok sa social media at maging sa text messages ang balitang muling ipapataw ang enhanced community quarantine sa bansa para sugpuin ang paglaganap ng Covid-19.
“Nag-announce dito. Lockdown Dec. 22 – Jan. 2,” ayon sa isang tweet.
“Oy strict lockdown na naman daw ng December,” ayon naman sa isa.
“Badtrip yung lockdown ng Dec. 22,” wika naman ng isa pang Twitter user.
Pati na rin si Interior Secretary Eduardo Año ay nagsabing hindi totoo ang balitang ito dahil wala pa umano silang nababalangkas na plano tungkol sa ipapatupad na quarantine ngayong Kapaskuhan.
“Wala namang proposal na ganyan sa IATF saka walang basis,” wika ni Año, co-chair ng IATF.
Apela ni Cabinet Secretary at IATF co-chairman Karlo Alexi Nograles sa publiko na huwag maniwala at huwag magkalat ng fake news lalo na sa panahon ng pambansang emerhensiya, gaya ng pandemya sa Covid-19.
Dapat aniyang patuloy na maging responsable ang bawat Pilipino sa sarili, pamilya at sa lipunan.
Sa panig ni National Task Force against COVID-19 spokesman Restituto Padilla, pinapayuhan ang publiko na huwag maniwala sa mga impormasyong galing sa mga hindi berepikadong sources.
“Everyone is strongly advised not to believe news or information coming from unverified sources. Please ensure you verify or ask authorities or trusted organizations about the veracity of such information before believing and passing it around,” ani Padilla.
“Let us not be instruments of fake news distribution and help our fellow kababayans,” dagdag pa niya.
Ang ECQ ay ang pinaka-istriktong anyo ng quarantine sa bansa, kung saan sarado ang mga hindi esensyal na istablisyemento at negosyo at limitado ang galaw ng mga tao. Tigil sa pagpasada ang mga pampublikong sasakyan.
Ipinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Metro Manila, Batangas, Iloilo City, Tacloban City, Lanao del Sur, Iligan, at Davao City sa general community quarantine hanggang sa katapusan ng Disyembre.
Ang natitirang bahagi ng bansa ay nakapaloob naman sa modified general community quarantine hanggang sa katapusan din ng taon.