Korona sa Miss Eco Teen inialay ng Miss World PH org sa mga Pinoy

Si Miss Eco Teen Roberta Angela Tamondong ang unang nagwagi mula sa Pilipinas. MISS ECO TEEN FACEBOOK PAGE

KINORONAHAN bilang 2020 Miss Eco Teen International ang pambato ng Pilipinas na si Roberta Angela Tamondong na idinaos sa Ehipto ngayong araw (Manila time).

Ayon kay Miss World Philippine (MWP) organization head Arnold Vegafria, ibinabahagi niya ang tagumpay na ito ni Tamondong sa mga Pilipino, “Who have kept the faith, and deserve yet another great reason to remain proud as a nation.”

Sa isang social media post, sinabi ni Vegafria na kahanga-hanga ang nakamit ni Tamondong.
“It also represents the collective optimism and hope of a nation and a people that have endured so many challenges over the past months, yet remained resilient and kept their heads high as they keep on treading through life with so much faith and positivity,” aniya.

MWP ang official licensee sa Pilipinas ng Miss Eco Teen International pageant, ang nakababatang katuwang ng Miss Eco International pageant na nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan.

Naging mabilisan lang ang pagpili kay Tamondong bilang kinatawan ng bansa sapagkat hindi nakapagdaos ang MWP ng patimpalak ngayong taon dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.

Nang tila naging malabo nang makapagpapadala ang MWP ng kinatawan, isang licensee mula sa ibang bansa ang kinausap ng international organizer upang magpadala ng kinatawan ng Pilipinas, at pinili nito ang Dutch-Filipino na si Danielle Dolk.

Ngunit nahanap ng MWP si Tamondong, kaya Netherlands na ang kinatawan ni Dolk, bansa ng ama niya

Nagtapos si Dolk bilang second runner-up, kasunod ni first runner-up Jordan van Rensburg ng South Africa.

Third runner-up ang host delegate na si Kenzy Elzeiny, habang fourth runner-up si Cecilia Romero ng Paraguay.

Bago ang huling gabi ng pageant, tinanggap ni Tamondong ang Best Eco Dress prime award. Pumangalawa naman siya sa resort wear competition, at pumangatlo sa talent contest. Hinirang din siyang Best in National Costume.

Naging abala si Tamondong sa mundo ng beauty pageants noong 2019, kung kalian siya kinoronahan bilang Binibining Quezon City at Mutya ng San Pablo, at pumangalawa sa Miss Bikini Philippines at Miss Teen Tourism Philippines pageant.

Sinabi naman ni MWP General Manager Arnold Mercado sa Facebook page niya: “Your MWP family can’t be more proud of your achievement, we have been right from the very start.”

Read more...