SUMUSUMPA si Robin Padilla sa libingan ng kanyang amang si Roy Padilla, Sr. na hinding-hindi siya papasok sa mundo ng politika.
Ayon sa dating action star, alam niyang wala siyang magagawa kapag naging politiko siya at mas gusto niyang manatili na lamang sa showbusiness.
Nakausap namin sandali si Binoe sa ginanap na special screening ng documentary movie na ” Memoirs of a Teenage Rebel” sa Sta. Lucia East Grand Mall cinema sa Cainta, Rizal.
Ito yung docu drama tungkol sa nga dating rebeldeng New People’s Army na iniwan ang buhay sa bundok para magbalik-loob sa pamahalaan at isiwalat ang lahat ng mga hindi makatarungang ginawa sa kanila ng kilusan.
Pagkatapos ng pelikula ay nagpa-interview ang aktor sa ilang members ng entertainment press at dito nga namin siya natanong kung papayag na ba siyang tumakbo sa 2020 elections kung si Pangulong Rodrigo Duterte ang kumumbinsi sa kanya.
Diretsong tugon ni Binoe, “Kung ako naging politician, ibig sabihin kalaban na ako, ibig sabihin propaganda na yan (ginawang docu film). Hindi ako politiko at kailanman hindi ako magiging politiko.
“Ako mahal ko ang bayan ko, ang hangad ko lang ay kapayapaan. Anong magagawa ko (bilang politician)? Tayo pareho tayong nasa showbiz, ano sa tingin mo ang magagawa ko?
“Mananalo ako sigurado, nu’ng nakaraang eleksyon nga lang number three ako (sa survey) hindi naman ako nadedeklara. Pero bakit hindi ako tumakbo? Kasi wala naman akong gagawin du’n. Mag-aaksaya lang ako ng pera mo,” pahayag ni Robin.
Patuloy pa ng mister ni Mariel Rodriguez, “Hindi ako naniniwala sa military government, sumama ako kay Presidente Digong dahil sa federal government, yun ang inaasahan ko.
“Kaya sa ating lahat, sa mga kasamahan natin sa showbiz, tulungan n’yo naman ako, ipagtanggol n’yo ako kapag may nagsasabing tatakbo ako.
“Kahit sa libingan ng tatay ko, sumusumpa ako, hindi ako tatakbo. No way. Hindi ako yun. Ang gusto ko lang, magkakasama tayo dito sa showbiz, dito sa palagay ko may magagawa ako,” sey pa ni Binoe.
Samantala, proud na proud ang action star sa “Memoirs of A Teenage Rebel” kung saan siya ang nagsilbing narrator. Palakpakan ang audience pagkatapos ng pelikula kasabay ng pagbati sa buong production.
Kaya naman mas lalo pang nanghinayang si Binoe dahil hindi nga ito nakapasok sa 2020 Metro Manila Film Festival. Pero aniya, wala naman daw silang magagawa kung hindi ito pumasa sa panlasa ng MMFF Selection Committee.
Umaasa naman si Robin na kapag napanood ito ng mga Filipino ay mabubuksan ang kaisipan at puso ng sambayanan tungkol sa tunay na kalagayan ng mga kabataang nare-recruit ng rebeldeng grupo, lalo na ang mga nakaranas ng karahasan sa loob mismo ng kilusan.
Tulad ni Binoe at ng iba pang nakapanood sa docu film, naiyak din kami sa napakaraming eksena sa pelikula lalo na yung rebelasyon ng dating female comrade na ilang beses ginahasa ng kanyang mga kasamahan.
Matapang ding ibinahagi ng dating leader ng rebeldeng grupo na si Ivy Lyn Corpin, ang naging buhay niya sa bundok kasama ang batang si Aira na dumanas din ng hirap habang nakikipaglaban sa militar.
Maganda ang pagkakalahad ng “Memoirs of a Teenage Rebel”, kahit isa itong dokumentaryo, hindi kami na-bore sa panonood at talagang ninamnam namin ang bawat eksena na talaga namang tatagos sa puso ninyo.
Ito’y idinirek ni May Pagasa and produced by RCP Productions. Abangan ang announcement kung kailan ipalalabas ang “Memoirs of a Teenage Rebel.”