Star witness ng AFP sa pagdinig ng Senado sa isyu ng red-tagging, inakusahang sinungaling

Si Jeffrey Celiz, ang star witness ng AFP sa pagdinig ng Senado sa isyu ng red-tagging. (Senate PRIB)

Inakusahan ng New People’s Army (NPA) si Jeffrey Celiz, ang star witness ng militar sa pagdinig ng Senado sa isyu ng red-tagging, ng pagiging sinungaling.

Sa isang pahayag, sinabi ni Jorge Madlos o Ka Oris, tagapagsalita ng NPA National Operational Command, na si Celiz ay hindi naging kasapi ng NPA.

“Si Jeffrey Celiz ay isang sinungaling. Ang mga kwento niyang hindi nagtutugma, gawa-gawang istorya at kwestyonableng track record bilang isang drug personality at pinaghihinalaang mastermind sa mga extrajudicial killings ng maka-kaliwang personalidad ay patunay lamang na isa isang pekeng  ‘whistleblower’ ng gubyerno,” ani Madlos.

Si Celiz, na dating chairman ng militanteng Bagong Alyansang Makabayan sa Panay mula 2000 hanggang 2004, ay iniharap ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) sa Senate hearing para magpatunay sa alegasyon ng militar na ang Makabayan Bloc sa Kamara at mga progresibong grupo ay “front” lamang ng Communist Party of the Philippines (CPP).

“Kabilang sa mga kasinungalingan ni  Celiz ay ang sinasabi niyang miyembro siya ng New People Army’s National Operational Command mula 2002 hanggang Marso 2015. Hindi lamang ito isang malaking kasinungalingan kung hindi ito ay isang bagay na imposible,” ani Madlos.

Ipinaliwanag niya na ang istruktura ng  NPA bago ang 2016 ay iba pa dahil “wala pang NOC noon.”

“Paanong si Celiz ay magiging miyembro ng isang entidad na wala pa at hindi pa nabubuo sa panahon na sinasabi niyang kasapi siya nito?” ani Madlos.

Sinabi niya na kung “ginagamit lamang ng militar ang kanilang intelihensiya”,  hindi sila dapat nagkamali sa simpleng katotohanang ito at nabigyan sana si Celiz ng katanggap-tanggap na alegasyon.

Itinanggi rin ni Madlos ang sinabi ni Celiz na nagkita sila sa plenum ng NOC sa Surigao del Sur noong 2006 at Compostela Valley nang sumunod na taon.

“Walang meeting ng NOC na naganap sa mga taong iyon. Ganundin, for the record, kategorikal kong binibigyang-diin na kaylanman ay hindi ko nakasama o nakita ang taong ito saan mang sonang gerilya,” ani Madlos.

Sa testimonya ni Celiz sa Senate committee on national defense and security, sinabi niya na ang mga legal na grupong tulad ng Bayan ay recruitment ground ng CPP-NPA.

Naging mainit ang isyu ng red-taging matapos na magbabala si AFP Southern Luzon Command chief Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. kina Liza Soberano, Angel Locsin at Catriona Gray na huwag magpapagamit sa mga maka-kaliwang grupo na umano’y front ng CPP.

Inakusahan din ni Parlade ang mga mambabatas na kasapi ng Makabayan Bloc sa Kamara de Representantes ng pagkakaroon ng kaugnayan sa mga rebeldeng komunista.

Ang CPP, sa pamamagitan ng pampulitikang grupo nito, ang National Democratic Front, ay marami nang hindi matagumpay na pakikipag-usap ng kapayapaan sa pamahalaan mula pa noong 1987.

Ito ay nagsusulong ng digmaang naayon sa istratehiya ni Mao Zedong na may layong maitayo ang isang sosyalistang estado sa Pilipinas.

Mula sa ulat ni Jigger J. Jerusalem, Inquirer Mindanao

Read more...