NANG ipasara ang ABS-CBN nitong Hulyo ng Kongreso ay pakiwari ng mga mahilig sumali sa reality shows ay “wala na, tapos na.”
Maghihintay na lang silq kung kailan muli magbubukas ang Kapamilya Network at kung kailan matatapos ang isa pang problema, ang COVID-19 pandemic.
Pero ilang buwan lang ang nakalipas, mismong ang Kumu livestreaming app na may followers na 1.5 million plus na karamihan sa mga gumagamit ay mga Gen Z at millennials ang nakipag-ugnayan sa ABS-CBN para muling buksan ang ikasiyam na season ng Pinoy Big Brother.
Inamin ni Entertainment Production Director at Head Director for Pinoy Big Brother na si Direk Laurenti Dyogi na wala ito sa plano nila base sa ginanap na virtual mediacon ng “PBB Connect” kagabi.
“It’s a pleasant surprise kasi unang-una sa mga nangyayari sa atin, naghahanap tayo ng something familiar, wanna go back to experience na na-miss mo and having that opportunity to bring back PBB at this particular time makasama ko ulit sina Bianca (Gonzales-Intal), Toni (Gonzaga-Soriano) ang ating housemates, parang ang sarap sa pakiramdam, exciting ‘yung pakiramdam na babalik ang PBB this year, this is something we can look forward too.
“It’s a good feeling na we have something na nakasanayan natin, something na parang comfort food. Wala kang hinahandugan ng comfort food na hindi ka tatanggi, kaya (sabi ko), ‘let’s do it.’
“Ang iniisip ko sa nangyayari ngayon, bakit kailangang magkaroon ng PBB, ito ‘yung nasa utak ko ngayon, bakit kailangan kasi wala po talaga ito sa plano namin this year. We didn’t realize that eight months of quarantine kaya nagpapasalamat tayo sa Kumu. Kumu actually had the idea of bringing back the PBB, so we’re very happy,” pahayag ni direk Lauren.
Sa tanong kung ano ang involvement ng Kumu sa PBB, “Malaki, una ang ating KUMU-nity will be involve a lot of interaction kung ano ang magaganap sa mga suprises natin na pasabog para sa ating mga housemate.
“Ang livestreaming natin na nakikita sa cable, free TV, makikita niya lahat ‘yan sa KUMU, they’re have four cameras for choices na pagpipilian na iba-ibang lugar sa bahay saka ‘yung mainstream, makikita nila 24/7.
“Siyempre ang voting also through Kumu and then ang surprise may twist sa housemate will be coming from the KUMU-nity, yan ang mga kailangang abangan,” paliwanag ng network executive.
Ano naman ang assignment ng bawat host sa show, naunang sumagot si Toni, “The usual, talk to housemates ‘yung mga eviction, nomination at PBB spiels natin, nagkukuwento ako.”
Hirit ni direk Lauren, “Si Toni naman talaga ang poste ng PBB from the start, dinaanan niya lahat ‘yang mga housemate, she’s the main host of PBB. No eviction, no nomination will not be complete without Toni G and of course, she tells the story of the housemate.”
Ang reaksyon naman ni Toni nang sabihan siyang may PBB ngayong taon, “Nabuhayan ng pag-asa na ‘grabe magkakaroon ng PBB’ lahat kami (pareho ng reaskyon) nina Robi (Domingo), Bianca, Melai (Cantiveros), Richard (Juan) and Enchong (Dee).
“Hindi kami prepared na mag-PBB this year dahil sa rami ng nangyari, sa rami ng pinagdaanan, hindi namin naisip na magkakaroon ng ganitong opportunity na magbubukas ang Bahay ni Kuya na magkakasama-sama kaming lahat.
“Pero nu’ng nag-start ‘yung pandemic parang sinabi sa akin ni Paul (Soriano, asawa niya), kumakain kami sabi niya, ‘Imaginin mo kung may PBB season kayo tapos biglang nag-lockdown, ‘yung mga housemates ang safe na safe kasi dahil nandoon sila sa Bahay ni Kuya, wala silang alam sa outside world, sa mga nangyayari sa labas.”
Nabanggit pa ni Toni na nu’ng nangyari ang lockdown sa Germany (Marso) ay on going ang kanilang German Big Brother House TV series at kinailangan itong ianunsyo sa housemates na may coronavirus pandemic sa buong mundo at karamihan sa kanila ay nag-iyakan nang ipapanood sa kanila ang video na nangyayari sa outside world.
Sa totoo lang, bago naman nauso ang lock-in taping/shooting ng mga artista sa mga teleserye at pelikula ay ang reality show na Big Brother House na pag-aari ng Endemol ang nauna sa ganitong set-up. Sinong mag-aakala na mangyayari pala ito sa new normal ngayon dahil sa pandemya.
Going back to Toni, “Kailangang i-announce talaga sa housemates sa GBBH kasi may mga pamilya sila. Hindi namin din na-imagine kaming mga host nab ago magtapos ang taon ay magbubukas ang Bahay ni Kuya, kung kailan patapos na ‘yung taon saka naman may magandang mangyayari for all of us.”
At kung dati ay laging present sa loob ng PBB house si Toni para sa spiels niya ay hindi na niya kailangang gawin yun ngayon dahil work from home siya.
“As much as possible kung kayang i-tape sa bahay ng bawa’t isa ay ginagawa, usually ang talk to housemates parang ganito lang din naman (virtual). Hindi naman nagre-require ng malaking studio kaya I can do it at home and for everybody’s safety base sa health protocol of PBB team and family.
“Hindi na puwede labas-masok ka at hindi naman kami puwedeng mag-swab (test) araw-araw baka kung anong mangyari sa mga nostril namin. Ha-hahaha! So nag-work naman lahat na sa bahay lang ang hosts,” pahayag pa ni Toni.
Siyempre, kasama ang unang big winner ng Pinoy Big Brother Teen Edition noong 2005 na si Kim Chiu.
“Nu’ng sinabi sa akin na kasama ako, sabi ko ‘ay talaga po kasama ako,” masayang sabi ng dalaga.
Ang partisipasyon niya sa show ay kapag may special occasion, announcement, “Kapag may espesyal na magaganap, nandiyan ako. Kaya thank you so much direk Lauren.”
Say naman ng Kapamilya executive, “Alam mo naman si Kim hindi ‘yan masipag, kulang sa sipag ang batang ‘yan, marami siyang time para mag-PBB. Si Kim talaga basta’t PBB hindi ka magdadalawang-salita, we’re so grateful sa kanya, walang pinag-uusapan kahit ano, basta they’ll do it for PBB, kaya sobra rin ang pagmamahal ng bawat staff sa bawat isa sa kanila.”
Reaksyon naman ni Kim, “Ganu’n mo kasi kami pinalaki direk, ganu’n mo kami tinuruan, hinubog sa laban ng totoong buhay.”
Ang assignment naman ni Enchong, “Partner kami ni Melai dito na usapan namin na kapag nagkaroon kami ng sablay moments, tawanan na lang namin. I’m excited, pero natanggal ang kaba ko becoming Homeboy ni Kuya because Melai would be there for me all throughout. Everyday may task for the housemates, kami ‘yung reporter everyday ng housemates.”
Hirit ni Melai, “Yes magkasama kami ni Enchong, parang Doris Bigornia correspondent ako. Kaming dalawa ang magkukulitan sa KUMU-nity.”
Sabi naman ni Richard Juan, “My assignment is I will be on Facebook, YouTube literally daily you’ll see me. So, sana hindi kayo magsasawa sa mukha ko. We will give updates inside the house kung anong nangyayari sa loob. It’s so much fun shooting this, it’s such a learning experience to all of us shooting at home.”
Bahagi rin ng “PBB Connect” ang ex-housemates na sina Kiara Takahashi, Shawntel Cruz, Jem Macatuno at Lie Reposposa, bilang mga manunulat at taga-awit ng official soundtrack ng season na ito na “Connected Na Tayo.”