Misis nahuli ni mister na may kabit; nagtago sa kisame ng motel

MALA-EKSENA sa isang teleserye ang nangyari sa loob ng motel nang mahuli ng isang seaman ang kanyang misis kasama ang umano’y kabit nito nitong Linggo.

Nagtago sa kisame ng nasabing motel sa Mandaue, Cebu ang babae nang malamang nasundan siya ni mister at makitang kasama ang kanyang lover.

Base sa report ng Mandaue City Police, agad na pumasok ang seaman sa motel nang masaksihan niya ang pagpasok ng taxi kung saan nakasakay ang misis niya kasama ang sinasabing kalaguyo nito.

Kuwento ni mister sa mga otoridad, kasama pa niya ang asawa sa taxi nang pumasok ito sa trabaho ngunit nauna itong bumaba sa kanya.

At dahil may pagdududa na siyang nararamdaman, sumakay siya ng ibang taxi para sundan ang kanyang asawa na naka-taxi rin. At dito na nga niya napatunayan na may ginagawang milagro ang babae.

Hindi raw sa trabaho dumiretso ang taxi ni misis kundi sa pier kung saan sinundo nito ang sinasabing kabit ni misis at saka dumiretso sa motel.

Nabatid na tinawagan ng seaman ang isang kaibigan para humingi ng tulong habang hinihintay na lumabas ng motel si misis at ang kaluguyo nito na isa rin daw seaman.

Agad namang tumawag ng pulis ang kaibigan ng seaman ngunit nasa labas na raw ng kwarto ang lalaki at wala na rin daw sa loob si misis.

Pero ilang sandali lang ay may narinig silang kumalabog sa bandang itaas ng kwarto kasabay ng pagkahulog ng kisame at ng sandals na suot ng asawa ng seaman.

Nagmatigas si misis at ayaw talagang bumaba mula sa kisame kaya naman gamit ang isang hagdan, inakyat na siya ng isang pulis.
Nagsimulang maghinala ang asawa ng babae nang magbago na ang pakikitungo nito sa kanya bukod pa sa ayaw na rin nitong makipag-sex sa kanya.

Ayon pa sa ulat, itutuloy na ni mister ang kaso laban sa kanyang asawa at sa umano’y lover nito.

Read more...