DISYEMBRE 1 nang mag-post si Miss Trans Global 2020 winner Mela Habijan sa kanyang Facebook tungkol sa “offensive” trailer ng bagong pelikula ng Viva Films.
Ito ang “Pakboys” nina Dennis Padilla, Jerald Napoles, Janno Gibbs at Andrew E. Kinondena ni Mela ang teaser ng movie dahil sa eksenang umiihi ang isang transgender na pinagtawanan ni Dennis.
Narito ang open letter ni Mela, “Dear Direk Al Tantay, Viva Films, the creatives, and the main cast of PakBoys.
“Naiinsulto po ako! I just saw the trailer of your movie. Honestly, basing from the title, I already had an idea of what it would be about — toxic masculinity.
“True enough, the first 10 seconds of your trailer presents a trans woman peeing while standing. And then Dennis Padilla is seen bothered and feeling victimized by sleeping with her.
“Nakakapanliit kasi ginagawa niyo na namang katatawanan ang pag-ihi namin! Nakakainsulto kasi ginagawa ninyong katatawanan ang katawan namin. Nakakagalit dahil pinagtarawanan ninyo ang pagiging trans woman namin.
“Ano ang nakakatawa sa ipinanganak na may titi pero ang isip at puso ay babae? Sa nakatayong umiihi? Sa pakikipagtalik sa trans woman?
“At habang may galit at lungkot, may awa. I pity you, because as the world evolved, you are stuck in your trashy, slap stick, LGBTQIA-phobic comedy.
“Pero habang mukha kaming katawa-tawa sa inyo, as a trans writer and actress, I commit: Babawiin namin ang kuwento namin! Hindi niyo hawak ang katawan namin. Hindi niyo hawak ang komedya namin. Hindi niyo hawak ang pagkatao namin!
“We will fight back and end your toxic masculinity.
“PS. I hope the MMFF upholds their criteria on gender sensitivity and gender inclusivity. Given the transphobic scene, they will be sending a wrong message to the audience about us. Thus, this film must be disqualified from the festival,” sabi pa ni Mela.
Sa virtual mediacon ng pelikula kahapon natanong ang mga bida tungkol dito. Unang sumagot si Jerald, “Hindi naman nila napapanood pa so hindi nila alam ‘yung buong eksena so kung anuman ‘yung ipinakita mo online, nakakahon doon ang opinyon ng tao at hindi mo na rin mae-explain kung ilang libo silang nagreklamo, so thank you sa comment.”
Dagdag ni Janno, “Ako naman, I think it’s clear na this is not a movie na para hanapan n’yo ng life lesson and correctness. I think we have a lot of other movies sa film fest na makakahanap kayo ng ganu’n.
“This is purely humor, so, this is a straight out comedy, this is not a heartwarming movie, this is not maraming lessons. Talagang straight pagpapatawa lang. We are very sorry alam naming may mga na-offend, this is not a politically correct movie.”
At dahil eksena ni Dennis ang binanggit ni Mela ang paliwanag naman niya, “Well kung napanood naman ninyo ang buong eksena, sexy at may bed scene kami kaya matutuwa rin ang LGBT kasi nag-make-love kami.”
Sinabi ni Dennis na mataas ang respeto niya sa LGBT dahil ang kanyang panganay na anak na babae ay ikinasal sa kapwa nito babae sa Amerika.
“My daughter is married to a woman in the States (2016). My eldest daughter Dianne, who is 30 years old is married to Katx who is also a woman. And I respect them because mahal ng anak ko, e.
“So, nang ikasal sila sa Amerika, I was happy for them. And I don’t think na ako pa ba ang babastos sa LGBT, e, ‘yung daughter ko, asawa babae.”
Ang panganay ni Dennis na si Dianne Baldivia ay anak niya sa unang asawang si Monina Gatus bago sila nagkarelasyon ni Marjorie Barretto.
Sabi naman ni Andrew, “Sa Parañaque kasi may kasabihan sa amin na ‘walang sumisipol ng sunog na mismong siya ‘yung nasusunugan’. Ang sinisigaw nu’ng nasunugan, saklolo, hindi sunog. So, kung may isang LGBT na nasa movie namin na nag-enjoy, ang isinisigaw niya hindi saklolo, hindi rin sunog kundi nag-enjoy siya sa aming movie.”
Mapapanood ang pelikula sa Dis. 25 worldwide through Globe Upstream.