ININTRIGA ang pagpunta ng mga kilalang celebrities sa Luneta Park kahapon para sa Million People March, ito nga ang sagot ng sambayanang Pilipino para sa pakakasangkot ng mga politiko at iba pang personalidad sa P10-billion pork barrel scam na pinasabog nga ng Philippine Daily Inquirer.
May nagsasabi kasi na pakitang-tao lang daw ang pagpunta nila sa Luneta, gusto lang daw ng mga ito na magpakakontrobersiyal dahil alam naman ng publiko na mayayaman sila at hindi naman apektado sa nagaganap na nakawan sa gobyerno.
Pero umalma ang ilang artista sa chikang ito, nagbabayad daw sila ng tamang buwis kaya karapatan din nila ang magreklamo.
Ilan sa mga namataan sa nasabing kilos-protesta ay sina Robin Padilla, kasama ang misis na si Mariel Rodriguez, Willie Revillame, Arnell Ignacio, former Miss Universe Gloria Diaz, Jim Paredes, Rommel Padilla, Mae “Juana Change” Paner.
Nandu’n din si Cardinal Luis Antonio Tagle at dating Chief Justice Renato Corona na inulan ng pang-ookray mula sa mga taong naroon kaya napilitan na lang umalis sa venue.
In fairness, dinumog talaga ng mga kababayan natin si Cardinal Tagle kaya medyo natagalan ang paglalakad niya papunta sa Quirino Grandstand kung saan ginanap ang mahabang programa.
Nandoon si Cardinal Tagle para sumuporta sa anti-pork barrel march. Marami naman ang natuwa sa pakikiisa ni Willie Revillame sa nasabing event, hindi kasi nila inaasahan doon ang TV host-comedian, wala naman kasi silang nabalitaan na dadalo ito.
Ayon kay Willie, naglaan talaga siya ng panahon para sa Million People March dahil gusto niyang makisimpatya sa mga mahihirap na Pinoy na hanggang ngayon ay patuloy na naghihirap dahil sa corruption sa pamahaalan.
May karapatan talagang magpunta roon si Willie dahil isa siya sa mga nasa listahan ng top taxpayers sa bansa. Sey pa ni Willie, ito na ang tamang panahon para magkaisa ang lahat ng Pilipino, para mabago ang sistema at ipamukha sa mga sa panayam kay Willie, sinabi nito na panahon na para mabago ang sistema at mahiya na ang mga senador at kongresista sa mga kasalanan nila sa taumbayan.
Ayon naman kina Binoe at Mariel na ilan sa mga naunang nagtungo sa Luneta, “araw ng mga bayani” ang naganap kahapon, kitang-kita nila ang seryosong pakikibaka ng mga Pinoy para maitama ang pagkakamali ng mga nasa gobyerno.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Robin kahapon ng umaga, sinabi nitong wala silang intensiyon na idiin ang mga kasamahan nila sa industriya ng showbiz, tulad nina Sen. Bong Revilla at Sen. Jinggoy Estrada na isinasangkot nga sa pork barrel scam, naroon sila para sa kabuuan ng sambayanang Pilipino at hindi para sa iilang tao lang na sangkot sa kontrobersiya.
“Sabi ko nga, hindi lang ang mga nagbabayad ng buwis ang dapat makiisa rito, dapat lahat tayo, dahil bawat isa sa atin ay nagbabayad ng tax, sa pagbili pa lang natin ng pagkain, ng damit, ng kahit ano, may buwis na ‘yun.
“Kailangang magbago na ang sistema, dahil kahit siguro sino ang nakaupo riyan, walang mangyayaring pagbabago kung ganu’n pa rin ang sistema natin, kung mali pa rin ang pamamalakad.
Wala tayong sinisino rito, ke artista o hindi, ako malaki ang utang na loob ko sa mga artista dahil sinuportahan nila ako noon nakulong ako.
“Maliwanag naman ang lahat, narito tayo para makiisa sa paglaban sa maling sistema,” tuluy-tuloy na pahayag ni Binoe.
( Photo credit to Google )