Lumagpas na sa 800 million views sa YouTube ang music video ng kantang “Idol” ng sikat na K-pop group na BTS.
Naitala ang bagong milestone na ito ng grupo sa ganap na 6:14 ng gabi (oras sa South Korea) nitong Miyerkules, isang araw lamang matapos na isa pang music video ng BTS, “MIC Drop” (Steve Aoki Remix), ay nakasungkit rin ng 800 miyong views, ayon sa pahayag ng Big Hit Entertainment ngayon Huwebes.
Kung tutuusin lagpas ng sa 900 milyon ang “Idol” kung isasama ang views sa version nito na kasama ang American pop star na si Nicki Minaj, ayon sa Big Hit, ang entertainment company na namamahala sa BTS.
Lima na ang music video ng BTS na lumampas sa 800 milyon ang views sa YouTube, kabilang ang “MIC Drop (Steve Aoki Remix),” “Fake Love,” “DNA” at “Boy with Luv.”
Ang “Idol,” na main track sa repackaged album ng BTS na “Love Yourself: Answer,” ay pumaimbulog sa global music ranking charts kaagad matapos itong ilabas noong Agosto 2018. Naging No. 11 ito sa main singles chart ng Billboard at No. 21 sa British Official Singles Chart Top 100.
Ang video ng “Idol” ay napiling Music Video of 2018 sa 2018 E! People’s Choice Awards.
Pinakahuli ang milestone sa YouTube sa mga tagumpay na natamo ng BTS sa industriya ng musika. Nito ring linggong ito, muling lumikha ng kasaysayan ang grupo nang ang bago nitong labas na ballad na “Life Goes On” ay naging kauna-unang Korean language song na nag-top sa Billboard Hot 100.