Nililok na higanteng titing kahoy nawawala sa Bavarian Alps

Iniimbistigahan ng German police ang misteryosong pagkawala ng isang nililok na titing kahoy na sa maraming taon ay kinaaaliwan ng mga umaakyat sa Bavarian Alps sa Germany.

“Nagbukas kami ng imbistigasyon sa pagkawala nito,” ayon sa Bavarian police spokesman na si Holger Stabik.

Napaulat na nawala ang pamosong iskultura nitong nagdaang linggo mula sa bundok ng Gruenten.

Ang pinakapuno at ilang pinagkataman na lamang ang naiwan ng obra na kumakatawan sa higanting ari ng lalaki na may taas na  anim na talampakan at matatagpuan sa Alpine village ng Rettenberg, ayon sa lokal na diyaryong Allgaeuer Zeitung.

“Mukhang isang gabi ay may naglagare na dito,” anang isang lokal na babae.

Pero ayon kay Stabik, hindi sigurado ang pulisya kung maituturing itong krimen o isang anyo ng pagnanakaw dahil walang nakakaalam sa pagkakakilanlan ng lumikha ng higanteng kahoy na titi.

“Hindi naman ito ang aming leading na hypothesis, pero maaaring ang may-ari mismo ang naglagare at bumawi sa iskultura,” ani Stabik.

Ilang linggo ang nakaraan ay napabalita na sa Germany ang titing kahoy nang ito ay muling “itayo” matapos na mabuwal sa pinapatungan nito.

Nagpahayag ng kalungkutan ang mayor ng Rettenberg sa pagkawala ng isang kakaibang “pangkulturang monumento” na tumulong para makilala ang rehiyon.

Ang obra ay nakalista ring “pangkulturang monumento” sa  Google Maps.

Mula sa ulat ng Agence France-Presse
Read more...