Partner ni Jamir hiling na mai-release ang bagong kanta ng Slapshock vocalist: Pinaghirapan niya ‘yun

NGAYONG araw nakatakdang i-cremate ang labi ng yumaong Slapshock vocalist na si Jamir Garcia.

Ilang araw ding pinaglamayan ng pamilya at mga kaibigan ang labi ng Jamir sa St. Peter’s Memorial Chapel sa Quezon City kung saan dumalaw din ang mga fans na nakiramay sa mga naulila ng OPM icon.

Kasabay nito, nabanggit naman ng partner ni Jamir na si Sojina Jaya ang kanyang hiling ngayong wala na ang frontman ng Slapshock rock band.

Ayon kay Jaya, nais sana niyang mai-release at mapakinggan ng madlang pipol ang mga kanta na ini-record ni Jamir noong kasagsagan ng lockdown dulot ng COVID-19 pandemic.

“Kung ako lang ang masusunod, dapat ma-release na ‘yon kasi pinaghirapan niya ‘yon nu’ng lockdown. Ipapaubaya ko na lang ‘yung desisyon sa dalawang naiwang band members,” pahayag ni Jaya sa panayam ng ABS-CBN.

Abot-langit naman ang pasasalamat ni Jaya sa lahat ng nakiramay at nagdasal para sa kanilang pamilya at sa lahat ng nagmamahal kay Jamir, lalo na sa mga tagasuporta ng singer.

“Nagpapasalamat ako sa lahat ng nakiramay sa amin. Gusto ko sana tuluy-tuloy at sama-sama nating alayan ng dasal si Jamir,” aniya pa.

Nabatid na pansamantala munang itatago ng pamilya ang abo ni Jamir habang hinihintay ang pagdating ng kanyang tatay na uuwi sa Pilipinas mula sa Amerika.

Ang Slapshock ay binubuo nina Jamir, Lean Ansing, Jerry Basco, Lee Nadela at Chi Evora. Nabuwag ang grupo matapos magkaroon ng kung anu-anong issue kabilang ang usapin tungkol sa pera.

Ilan sa mga kantang pinasikat ng Slapshock ay ang “Cariño Brutal,” “Langit,” “Agent Orange,” “Salamin,” “Luha,” at “Anino Mo.”

Read more...