BAKIT nga ba hindi napapagod at nagsasawa si Angel Locsin sa pagbibigay ng tulong sa mga kababayan nating nangangailangan, lalo na sa panahon ng sakuna, krisis at kalamidad.
Ayon sa Kapamilya actress-TV host, ginagawa lang daw niya kung ano ang idinidikta ng kanyang puso’t isipan bilang isang Filipino.
Aniya, napakasarap sa pakiramdam ng maraming napapasaya at natutulungan at sana raw sa mga ginagawa niyang ito ay marami pang ibang ma-inspire na tumulong.
“Bilang isang Pilipino, ginagawa ko lang din ang parte ko. Yun lang naman talaga ‘yon. I’m sure lahat ng mga nandito, ay ginawa rin naman nila ang part nila bilang isang Pilipino,” pahayag ni Angel sa panayam ng “We Rise Together.”
“Lagi nga nating sinasabi sa ‘Iba ‘Yan,’ iba tayong mga Pilipino, iba tayo magbayanihan.
“So, bilang isang Pilipino ginagawa ko lang din ang parte ko at sana ma-inspire din ang ibang tao na gawin din ang parte nila. Iyon lang naman,” aniya pa.
Alam naman ng buong mundo kung gaano kaaktibo ang fiancee ni Neil Arce sa paghahatid ng ayuda sa mga Pinoy na nangangailangan ng tulong mula noon hanggang ngayon, sa kahit anong panahon.
Samantala, nabanggit ng aktres na isa sa mga dahilan kung bakit nagdesisyon na rin siyang mag-vlog ay para mabigyan ng trabaho ang ilang empleyado ng ABS-CBN na na-retrench matapos ipasara ng Kongreso ang TV network.
“Nagkaroon ng retrenchment sa ABS-CBN, inisip namin bakit hindi tayo mag-vlog para mabiyan natin ng trabaho ang mga nawalan ng trabaho. Kahit paano ay makapag-provide tayo.
“So doon kami nagsimula. Para magamit mo rin ang platform mo to raise awareness o makapag-give back din sa mga tao,” pahayag ni Angel.
Dagdag pa niyang paliwanag, “Of course, sisingitan mo ng mga episode na gustong marinig ng mga tao para mag-subscribe sila. Pero nandoon pa rin ‘yung goal natin na ito ay para sa tao, mag-give back tayo.
“And I think lahat ng mga gumagawa ng vlogs ngayon ay ginagamit nila ang platform nila para mas maka-reach sila at maka-influence ng mas maraming tao,” sey pa ng aktres.
Naikuwento rin niya marami pa silang naiisip na makabuluhang content para sa kanyang YouTube channel.
“May mga usapan na kami ng collaborations na talaga but nahihirapan lang kami sa schedules, sa kung paano kasi siyempre may protocols ngayon.
“Kailangan pang magpa-antigen ganyan. Medyo complicated lang ngayon pero gustong-gusto ko talaga ‘yon,” lahad pa ng dalaga na excited na rin sa mga susunod nilang projects sa YT.