Sa magkakapatid hindi lahat magaganda at guwapo. Pero may mga masuwerteng pamilya naman na nu’ng nagsabog ang Diyos ng magandang mukha ay nasalo lahat.
Kaya namin ito nabanggit ay dahil ang kapatid na lalaki ng sikat na aktor ay gustong pasukin ang showbiz dahil siguro inspired siya sa kapatid na kaliwa’t kanan ang proyekto at tinitilian pa ng lahat.
Actually, ang kapatid ng sikat na aktor ay hindi kaguwapuhan kaya kahit ilang beses na siyang nag-audition sa mga teleserye ay hindi pumapasa. Eto ay kahit pa nga marunong siyang umarte dahil may award na rin naman siya sa indie film na nagawa niya noon.
Pinag-uusapan nga ng mga nakakakilala sa sikat na aktor kung baka half-brother niya ito dahil sobrang layo ng itsura nila. Walang bakas na magkapatid talaga sila at malalaman mo lang kapag nagsalita dahil hindi naman nagkakalayo ng boses at magaling magsalita tulad din ng aktor.
In fairness, matiyaga ang kapatid ng sikat na aktor dahil nagtayo siya ng production company na kasosyo niya ang mga kaibigan niya na may mga kuneksyon din sa ad agency. Kaya naman ang dami nilang projects para sa commercials at nakaka-extra rin ang kapatid sa mga ito.
Habang sinusulat namin ang balitang ito ay tinititigan naming pareho ang larawan ng magkapatid para hanapan ng anggulo na puwedeng magkahawig sila–wala talaga kaya napapaisip din kami talaga.
Tsika sa amin ng mga nakasama ng kapatid ng sikat na aktor sa TVC ay, “super bait, walang ere, very gentleman at soft spoken.”
Heto may pahabol na tsika, pangarap din pala ng kapatid ng sikat na aktor na maging TV host dahil magaling naman din siyang magsalita pero ang sabi mismo ng consultant niya, “hindi ka puwede!”