Sa 177,000 na nag-audition sa online PBB Connect ay 14 aspiring housemates lang ang nakapasa. Pabiyahe na sila ng Maynila para sa nalalapit na pagbubukas ng bahay ni Kuya dahil inimbitahan na sila ni Big Brother para sa 9th season.
Anim (6) sa 14 aspiring housemates na parating na ng Manila ang mula sa Luzon, isa (1) ang mula sa Visayas, apat (4) ang galing Mindanao, dalawa (2) naman ay taga-Metro Manila, at isa (1) ang mula sa ibang bansa.
Kinse dapat ang kumpletong bilang ng housemates ni Kuya ngayong season, ngunit may hindi nagpatuloy. Lahat sila ay pumasa sa medical, psychological, at COVID exams.
Ito na ang ang pinakamaraming audition entries na natanggap ng programa sa loob ng 15 taon, pero hindi dapat mawalan ng pag-asa ang iba pang nangangarap makapasok sa PBB dahil tuloy ang paghahanap ni Kuya ng housemates na kukumpleto sa PBB Connect sa pamamagitan ng pagla-livestream sa Kumu.
Ang “Pinoy Big Brother” ay tinaguriang ‘teleserye ng totoong buhay’ dahil sinasalamin nito ang bawat Pilipino sa pamamagitan ng makukulay na kwento ng iba’t ibang housemates. Para subukin ang kanilang pagpapakatotoo, nagbibigay si Kuya ng iba’t ibang tasks o hamon na tiyak na magpapatatag at magpapabuti sa kanila bilang indibidwal at kapupulutan ng aral at inspirasyon ng mga manonood.
Subaybayan ang mga paparating na ganap sa loob ng bahay ni Kuya na malapit nang mapanood sa Kumu, A2Z Channel 11, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, ABS-CBN Entertainment Channel, at sa mga opisyal na social media account ng “PBB.”
At hosts ngayong season ay sina Toni Gonzaga, Bianca Gonzalez, Robi Domingo, Richard Juan, Kim Chiu, Melai Cantiveros, at Enchong Dee.