Pagkakaroon ng ‘silent majority’ sa Kamara posible ayon sa isang analyst

Grig C. Montegrande/Inquirer 

Nahahati ngayon ang mayorya sa Kamara de Representantes dahil sa nagaganap na sibakan at reshuffle sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Lord Allan Velasco.

Nabatid na hindi nagustuhan ng mayorya ang ginawang pagtanggal ni Velasco sa mga deputy speakers at committee chairman dahil  taliwas ito sa kanyang sinabi noong unang araw na maupo siya bilang speaker.

Ayon sa political analyst na si Mon Casiple, malaki ang posibilidad na magkaroon ng silent majority sa liderato ni Velasco dahil sa dami nang kanyang napangakuan ng posisyon pero hindi lahat ay mapagbibigyan. Tiyak umano na sa mga susunud na araw ay mas marami pang sibakan ang mangyayari para i-accomodate ang mga kaalyado ng bagong liderato.

Hindi aniya maiiwasan na mayroon pa ring mga supporters si dating House Speaker Alan Peter Cayetano na nasanay sa kanyang estilo ng pamamahala na biglang naiba nang maupo si Velasco.

Aminado ang political expert na hindi magiging madali ang pamumuno ni Velasco dahil palagian itong ihahambing sa naging paraan ng pamumuno at nagawa ng nauna sa kanya. Ganundin, magiging malaking challenge umano sa Velasco leadership na patunayang may kakayahan itong mamuno at kayang mapagkaisa ang mga mambabatas na mula sa ibat ibang partido.

Inasahan ng mga mambabatas ang pangako ni Velasco kay Pangulong Rodrigo Duterte na sila lang ni Cayetano ang magpapalitan ng pwesto at babaguhin ang Chairman ng House Committee on Accounts. Gayunpaman, isang araw pa lamang sa pwesto ay agad nitong tinanggal si Camarines Sur Rep. Lray Villafuerte na sinundan din ng pagkakasibak bilang Deputy Speaker kina Batangas Rep. Raneo Abu, Capiz Rep. Fredenil Castro, Laguna Rep. Dan Fernandez gayundin ang pagtanggal kay Kabayan Rep Ron Salo bilang kinatawan ng Kamara sa Electoral Tribunal.

Ang pinakahuling natanggalan ng pwesto ay si Bulacan Rep Jose Antonio Sy-Alvarado na pinalitan ni Diwa Partylist Rep. Michael Aglipay, brother-in-law ni DPWH Secretary Mark Villar, bilang chairperson ng House Committee on Good Government and Public Accountability. Ang nasabing komite ang syang nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga mahahalagang isyu ng bansa.

Alinsunud sa direktiba noon ni Cayetano ay inimbestigahan ng komite ni Sy-Alvardo ang anomalya sa PhilHealth, ang iregularidad sa pamamahagi ng Social Amelioration Program, ang mataas na presyo ng kuryente ng Meralco sa panahon ng pandemic, ang sitwasyon ng mga Filipino migrants sa gitna ng COVID-19 crisis, ang ABS-CBN franchise renewal at 2021 national budget.

Nagbigay daan ang ginawang imbestigasyon para bumilis ang pamamahagi ng SAP, bumaba ang singil sa kuryente at naging mabilis ang pag-uwi ng mga OFWs.

Si Alvarado ay isa 70 mambabatas na bumoto laban sa pagbabalik ng prangkisa ng ABS-CBN at sya ding namuno sa franchise hearing ng network kasama ang Committee on Legislative Franchises.

Ang mga bumoto laban sa ABS-CBN franchise ang syang inalisan ng pwesto ni Speaker Velasco habang binigyan ng pwesto ang mga sumusuporta sa giant network kabilang na sina Deputy Speaker Lito Atienza at Rufus Rodriguez.

Read more...