Laging dasal ni Sylvia: Mga anak ko ang maglilibing sa akin, hindi ako ang maglilibing sa kanila

PAGKATAPOS ng teleseryeng “Hanggang Saan” noong 2017 na pinagsamahan ng mag-inang Sylvia Sanchez at Arjo Atayde ay heto’t muli silang bibida sa two-part episode ng pagbabalik ng “Maalaala Mo Kaya”.
Ito’y isa na namang bagong kuwento ng pag-asa at pagbangon sa panahon ng krisis na kinakaharap ngayon ng buong mundo, ang COVID-19 pandemic.

Nagka-COVID din si Sylvia at asawang si Art Atayde nitong Marso kaya relate na relate siya sa kanyang bilang ina ni Arjo sa kuwento ni Dr. El Bactol, isang doktor na nagsakripisyo ng kanyang buhay sa gitna ng pandemya.

Mapapanood na ito bukas, Sabado (Nob. 28) at sa Dis. 5 kung saan makakasama rin nila si Jane de Leon at idinirek ni Dado Lumibao.

Ayon sa aktres habang sinu-shoot nila ang episode nila for “MMK,” “Bumalik sa akin yung alaala na nagka-COVID kaming mag-asawa tapos ‘yung pino-portray ko ngayon ‘yung anak ko naman ang nagka-virus tapos sad to say nawala si Dr. Bactol.

“So, habang nagte-taping kami, (naisip ko) paano kung nangyari ito sa aming mag-asawa? Ito rin ang mararamdaman ng mga anak ko gaya ng naramdaman ng nanay niya, mas masakit pa.

“Actually, ang sakit-sakit para sa isang nanay. Ito lagi kong sinasabi, laging dasal ko sa Diyos na ang mga anak ko ang maglilibing sa akin, hindi ako ang maglilibing sa kanila dahil hindi ko kakayanin ‘yun.

“Lahat ng naging problema ko sa buhay nalagpasan ko kahit gaano ako binagsak ng problema at sabi ko nga sa Diyos, isa lang ang hindi ko kakayanin, pag ako ang naglibing sa mga anak ko.  Lahat ng nanay ganu’n,” ani Ibyang.

Aminado rin ang aktres na itong pagkakaroon nila ng COVID-19 ang pinaka-challenge na napagdaanan niya dahil buhay ang pinag-uusapan dito.

Hindi rin naman itinanggi noon ni Ibyang na takot siyang lumabas muna pagkagaling nila ng hospital dahil hindi pa nawawala ang takot niya para sa mga anak niya.

Pero nu’ng ialok sa kanila ni Arjo ang episode na ito ng “MMK” ay umoo agad ang mag-ina at sa probinsya ng Quezon ito kinunan kung saan malayo sa Metro Manila na marami pa ring COVID cases.

Habang sinusulat namin ang balitang ito ay tinanong namin ang aktres kung hindi ba siya natakot mag-shoot dahil hanggang ngayon ay hindi pa nawawala ang pandemya.

“Hindi. Masaya nga eh, sa Quezon (shoot),” sagot sa amin ng aktres.

Wala na ba ang trauma sa paglabas-labas at ilang araw sila sa Quezon? “Kung paiiralin ko ang takot sa sarili ko, eh, walang mangyayari sa buhay ko. Kailangan tanggapin na ng buong-buo na ito na ang new normal at mag-ingat na lang talaga.  Mula November 6 to 12 kami sa Quezon,” sabi pa niya.

* * *

Pagkalipas ng walong buwan ay dinalaw si Sylvia Sanchez sa bahay nila ng nurse na nag-alaga sa kanilang mag-asawa sa hospital  noong nagkasakit sila ng COVID-19.

“After 7 mos, nayakap at nagkita din tayo @diannerific ang saya saya ko kanina ko lang nakita ng husto ang mukha mo dahil mula March 30-april16 naka-mask ka habang inaalagaan mo ako at asawa ko.

“Habang niyayakap kita kanina ang sarap sarap sa pakiramdam na mapasalamatan ka ng buong-buo. Nakakabilib ang dedikasyon mo bilang Charge Nurse sa aming mga Covid Patients.
“Maraming, maraming salamat Dianne sa pag-alaga, pagmamahal at pagsasabi lagi na kaya mo yan Ma’am Sylvia, ‘wag kang gigive-up, laban po!
“Ilang beses kitang tinanong noon, mabubuhay pa ba ako Dianne? Makakauwi pa ba ako? Sagot mo sa akin, opo, magkikita pa kayo ng mga anak mo, hinihintay ka nila kaya palakas at pagaling ka hahaha kaiyak maalala.

“Isa ka sa naging anghel ko habang nasa hospital bed ako at nakikipaglaban kay Covid19. Maraming maraming salamat sayo bagong kaibigan, bagong kapamilya Dianne Engco. Love you,” pahayag pa ng aktres.

Read more...