Veteran screenwriter, showbiz editor Iskho Lopez pumanaw na sa edad 72

NAGLULUKSA ngayon ang mundo ng showbiz at entertainment media sa pagpanaw ng screenwriter na si Francisco “Iskho” Lopez. Siya ay 72 years old.

Sumakabilang-buhay ang dating news desk at entertainment editor kahapon ng umaga “due to cardiac arrest” sa Anawim Lay Missions Foundation Inc., sa Rizal na nangangalaga sa mga “abandoned elderly”.

Doon dinala si Iskho ng kanyang mga kaibigan sa showbiz matapos ma-stroke apat na taon na ang nakararaan.

Hindi lang siya kilalang columnist at  entertainment editor, isa rin siyang scriptwriter sa TV at pelikula kung saan nakatrabaho rin niya ang mga batikang direktor kabilang na si Celso Ad. Castillo.

Noong 2010, nakasama siya sa kampanya ni dating Pangulong Noynoy Aquino at naging chief editor ng presidential news desk sa Malacañang press office.

Nagtapos siya sa University of the Philippines Diliman noong 1964 with a degree in humanities.

Isa sa kanyang mga obra bilang screenwriter ay ang award-winning movie na “Pagputi ng Uwak, Pagitim ng Tagak” na pinagbidahan ni Vilma Santos at idinirek ni Celso Ad Castillo (1978).

Siya rin ang sumulat ng “Ang Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa” (1974), “Bakit May Pag-ibig Pa?” (1979) at “Pakawalan Mo Ako” (1981).

Ilang mga kaibigan at katrabaho sa showbiz ang nagpaabot na ng pakikiramay sa mga naulila ni Iskho kabilang na ang kaibigan niyang si Lolit Solis.

“So sad na during his time masasabi mo na active at friendly si Iskho, and yet he died alone. Ganyan yata ang buhay, accept na natin kung anuman ang mangyari, pero mabuti pa rin na nadala siya sa home for the aged dahil naalagaan siya,” mensahe ng talent manager sa kanyang Instagram.

Minsan na rin naming nadalaw ang yumaong screenwriter nang bumisita at magsagawa ng charity mission ang Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) sa Anawim.

Ibuburol at ililibing si Iskho sa Anawim Lay Missions Foundation.

Read more...