ALIW na aliw at tawa nang tawa ang mga nakapanood sa pagbisita kamakailan ng Beks Battalion sa condo unit ni Megastar Sharon Cuneta.
In fairness, talagang pumayag ang iconic singer-actress na gumawa ng vlog ang mga stand-up comedian na sina Chad Kinis, MC at Lassy sa loob ng kanyang bahay.
Ito ang unang pagkakataon na ipinakita ni Sharon sa madlang pipol ang kanyang condo sa pamamagitan ng vlog ng “Beks Battalion”.
At bago pa maintriga ang pagpunta ng tatlong komedyante sa bahay ni Mega, inunahan na niya ang mga bashers at sinabing pina-swab test muna niya ang kanyang mga bisita bago kunan ang kanilang condo tour.
“Bago ang lahat, guys, kami po ay pina-swab test po ni Inay Sharon bago kami pumunta rito. We are all negative and we are all safe,” sabi ng Beks Battalion.
Sa unang bahagi ng tour, pinasok nina Chad, MC at Lassy ang powder room, living area at ang seating area ng condo.
“This is actually my side of the unit. The whole family, all of us, we stay on the other side. This is my girly condo. Kasi ako ‘yung maraming gamit. Ito na rin ‘yung studio ko para rin sa vlogs ko sa YouTube channel ko,” kuwento ni Mega.
Nabanggit din ni Shawie na “very practical” siya pagdating sa mga kagamitan niya sa bahay. Hindi raw siya basta nagtatapon ng gamit kahit medyo luma na.
“Yung kapag mare-reuse, mare-reupholster, mamu-move somewhere else na mas maganda, mas bagay, ganu’n ako. Hindi ako basta bago, bibili. Pero kapag may gusto ako, bibilhin ko,” chika pa ni Mega.
Pinaalalahanan din niya ang tatlo niyang bisita tungkol sa pagiging mabuting may-ari ng bahay at kung ano ang tamang gawin ng guest kapag bumisita sa ibang tahanan.
“The minute guests step into your home, you are responsible for their happiness until they leave. Kaya sila guests.
“Now, on the part of the guests naman, to be a good guest, kapag kunyari dumalaw ka, you have to also respect na inimbita ka sa bahay na ito.
“When you’re invited, parang wine-welcome ka nila sa personal space nila, so be a good guest also. Don’t overstay your welcome,” sey ni Shawie.
Sa isang bahagi ng video, naikuwento rin niya kung paano nag-start ang friendship niya sa tatlong komedyante.
“Kasi si Chad kasama ko simula noong lumipat ako sa TV5. Halos every taping. Tapos siya ‘yung front act ko sa Hong Kong noon. Close kami ni Chad.
“Tapos si MC and Lassy, bilang close kay Chad, alam kong walang magiging kaibigan si Chad na malapit na hindi namin pareho ‘yung ugali. Parang ganoon. So inampon ko itong dalawa,” aniya pa.