ORAS na raw, sabi ni PNoy para i-abolish ang pork barrel. Sabi naman ng taumbayan, oras na rin, Mr. President na ikulong ang mga senatong at tongressmen na nagmantika dahil sa buwis ng bayan.
Hindi lamang sa administrasyon ni dating Pangulong Arroyo, kundi maging sa kasalukuyang administrasyon.
Naiyak si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle,. Kahindik-hindik sabi ni COA chairman Grace Pulido Tan.
Nakakaiyak at nakakagalit, sabi naman ng Inquirer reporter na si Nancy Carvajal. Mga taong nakita ang kabuuan ng mga dokumento, ang salaysay kung paanong pinagpiyestahan ng mga Senatong at Tongressman ang pera na pawis at dugo ng bawat nagtatrabahong Pilipino.
Sa totoo lang, dapat siguro ay nag-resign na lang itong mga mambabatas na kumpirmado ng COA na ang pork barrel ay napunta sa mga bogus NGO ni Janet Lim Napoles. Lalot kung meron pa silang natitirang “delicadeza” sa kanilang mga katauhan. Saan kayo kumukuha ng kapal ng mukha upang ipakain niyo sa inyong pamilya ang ” mantika” at dugo ng bayan?
Ako’y labis na natutuwa sa natatanggap kong balita na kasong “PLUNDER” daw ang isasampa ng NBI at DOJ sa mga mambabatas na kasama si Janet Naples Lim at ilang mid-level Depatment secretaries sa gobyerno. Bilisan niyo na sana , para makabawi man lang ang taumbayan na lalo pang naghihirap sa araw araw. Ikulong natin ang mga senador at congressman na iyan at hindi payagang magpa-house arrest o hospital arrest. Para maipakita natin sa buong mundo na galit tayo sa corruption tulad noong galit natin noong people power noong 1986.
At ngayong araw nga, gaganapin sa Luneta , at iba pang lungsod sa bansa at maging sa abroad, ang Kalampag vs. PDAF, National Villains Day, Million march day at iba pang pakulo para irehistro ang galit ng sambayanang Pilipino. Hindi sapat na i-abolish ang PDAF. Hindi sapat na magkaroon ng mga Safety measures upang hindi na ito ulitin. Ang hinihingi ng taumbayan ay katarungan dahi masyado nang binaboy ang pawis at dugo ng taumbayan ng mga opsiyal ng gobyerno.
At walang pulitika dapat dito, Kung merong mga opisyal ng Liberal Party o Malakanyang na sangkot sa bogus NGO ni Napoles, dapat lang ikulong din ni PNoy para magkaalaman kung talagang tuwid ang ating daan.
Isipin niyo P36 billlion na taun -taong re-enacted budget ang kinukurakot ng mga sindikatong ito sa gobyerno noong panahon ni PGMA. Tapos pinalitan ng “lump sum pork barrel projects” sa taunang budget ni PNoy, at hindi naman nahinto ang trabaho ni Mrs Napoles. Sabi nga ni dating Congresswoman Mitos ‘Magsaysay, mas lumaki pa ang lakas ni Napoles sa daang Matuwid.
Kaya naman, nakatingin tayong lahat kay PNoy. DIto ba sa mga isasampang kasong plunder, wala ni isa sa kanyang mga kakampi ang mahahagip ng tabak? At balik sa dating gimik na puro mambabatas na kakampi ni Gloria ang siya lamang makukulong. Kapag ganyan ang gagawin ni Pinoy, tiyak na tiyak hahaba ang maririnig nating mga kanta ng anomalya sa kanyang liderato.
Hindi naman papayag ang oposisyon na sila lang ang makulong. Sabi nga ni Senator Juan Ponce Enrile, habang naglalaro sa Ipad ng Bejeweled, imbestigahan dapat lahat hindi lang sila. Kayat abangan ang susunod na mga pangyayari.
Editor: Para sa komento o tanong i-text ang PIKON, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 0978052374.