HINDI pinabayaan ni Glaiza de Castro ang mga kababayan niyang nasalanta ng Bagyong Ulysses sa Baler, Aurora.
Mismong ang Kapuso singer-actress ang nag-repack ng mga relief goods katuwang ang kanyang pamilya para ipamigay sa mga typhoon victims sa Baler.
“Ang bittersweet ng biyahe pabalik ng Baler. Masaya dahil andito na ulit pero nakakalungkot din makita na apektado ang ilan dahil sa bagyo. Pero unti unti, aahon tayo,” caption ni Glaiza sa ipinost niyang litrato sa social media kung saan makikita ang ilang bahay na winasak ni Ulysses.
Bukod dito, inengganyo rin niya ang publikong magbahagi ng donasyon para sa mga biktima ng bagyo sa iba’t ibang parte ng bansa kalakip ang pahayag ng League of Filipino Actors (AKTOR) tungkol sa isinagawang relief mission.
“Habang tuloy tuloy ang pagtulong natin sa mga nasalanta ng sunod sunod na mga bagyo huwag tayong tumigil dahil ang mga kababayan naman natin sa Cagayan Valley ang kailangan ng tulong natin ngayon.
“Walang maliit na tulong, lahat mahalaga. Walang pangangailangan na mas higit sa iba. Matutulungan lang natin ang lahat Kung tutulong tayong lahat,” mensahe pa ng Kapuso actress.
Samantala, nagbigay rin ang Kapuso actress ng ilang detalye tungkol sa isa sa mga inaabangan niyang acting projects para sa 2021.
Pinili ang aktres ng Canadian Film Society para gumawa ng pelikula na kukunan pa sa ilang lugar sa Canada.
“Joint project ‘to ng mga Canadian at mga Filipino sa Canada at ito ay idi-direct ni Filbert Wong. Ang story nito medyo related sa illegal business. Medyo may pagka-‘Breaking Bad,’” aniya.
* * *
Aliw na aliw ang fans at netizens sa latest vlog ng Kapuso couple na sina Mark Herras at Nicole Donesa sa kanilang YouTube channel. Mapapanood dito ang pagsabak ni Mark sa “My Boyfriend Does My Makeup.”
Sey ni Nicole, nagmistulang “raccoon” daw ang kanyang itsura matapos siyang makeup-an ni Mark. Tuwang tuwa naman ang viewers sa cute na bonding moment ng soon-to-be parents.
Nakatakdang manganak si Nicole sa darating na January sa kanilang firstborn na si Baby Corky.
May message rin ang Kapuso couple para sa mga nasalanta ng Typhoon Ulysses, “I hope you guys are recovering fast. Sa mga kapwa nating Pilipino, sana’y nakakabangon na po kayo.”