Maugong ang panibagong yugto ng balasahan sa committee chairmanship sa Kamara de Representates, matapos sibakin noong nakaraang linggo ang tatlong deputy speakers na malapit na kaalyado ni dating House speaker Alan Peter Cayetano.
Nauna nang pinalitan bilang deputy speakers sina Reps. Fredenil Castro (Lakas-CMD, Capiz), Dan Fernandez (NUP, Laguna) at Raneo Abu (NP, Batangas).
Humalili sa posisyon ng mga ito sina Reps. Rufus Rodriguez (Independent, Cagayan de Oro City); Lito Atienza (BUHAY Partylist) at Camile Villar (NP, Las Pinas City).
Ayon sa insider sa Kamara ay tila taliwas ang mga hakbang na ito sa sinasabi ni House Speaker Lord Allan Velasco na magsisilbi siya bilang “unifying leader” ng mababang kapulungan ng Kongreso, matapos ang sigalot sa pagitan nila ni Cayetano.
Maugong din ang balita na posibleng mapalitan si House Majority Leader Martin Romualdez, bukod kasi sa malapit ito kay Cayetano ay puntirya din ni 1-Pacman Partylist Rep Mikee Romero ang nasabing posisyon.
Batay sa term sharing agreement, tanging sina Cayetano at Velasco lamang ang magpapalit ng puwesto habang mananatili at hindi gagalawin ang mga Deputy Speakers at Chairman ng mga komite.
Sinabi ni Cayetano na ipinangako ito mismo ni Velasco sa harap ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Well, ako po ay witness na buhay na sa harap ng Pangulo ay nangako po si Congressman Velasco na walang tanggalan, having said that, ako’y nag-o-observe, ako po ay supportive, supportive po ako sa ating Pangulo, supportive po ako sa bagong liderato sa Congress,” wika ni Cayetano.
“Ganyan po talaga kasi, sa politika po, pero kung napaalala nila po sa amin before na pag may usapan dapat matupad, siguro, yun na lang ang message ko, na kung ano man ang usapan, dapat matupad,” dagdag ni Cayetano.
Nakapaloob din umano sa kasunduan ang pagkakaroon ng 22-Deputy Speakers, na mangyayari sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Kamara.
Layunin umano nito na mapagbigyan ang mga kaalyado nina Velasco at Cayetano at magkaroon ng “unified House” kahit pa man dalawa ang magiging Speaker sa 18th Congress.
Sa naging pulong nina Cayetano at Velasco kay Pangulong Rodrigo Duterte ay nangako pa ang huli na walang magiging pagbabago sa mga opisyal ng Kamara.
Una sa mga sinipa sa puwesto ni Velasco ay si Camarines Sur Rep. Lray Villafuerte na isa sa mga bumalangkas para maisabatas ang Bayanihan 1 at 2, na nagbigay daan para makinabang ang 18-milyong recipients ng Social Amelioration Program.
Ilan pa sa mga tinamaan ng balasahan ay si Kabayan Rep. Ron Salo, na inalis na rin bilang pinuno ng House Contingent ng House of Representatives Electoral Tribunal.
Samantala, tumanggi naman umano si Las Piñas Rep. Camille Villar sa alok na maging Deputy Speaker.
Aminado ang ilang insider sa Kamara na para makuha ang suporta noon ng mga kapwa nila mambabatas na nasa panig ni Cayetano ay pinangakuan ang mga ito ni Velasco na makakakuha ng puwesto sa kanyang liderato. Ito umano ang dahilan ngayon kung bakit nagkakaroon ng “silent war” sa mismong mga kaalyado ng House Speaker.
Samantala, si AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin ay pumoporma umano na maging chair ng House Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda. Si Salceda ay diumano’y inalok na maging Deputy Speaker, subalit hindi pumayag.