Hamon ni Angelica kay Charo: Gusto po naming makita kung paano kayo magalit

“WOMAN on Top” ang titulo ng episode 8 ng #AskAngelica ni Angelica Panganiban nitong nagdaang Biyernes.

Pero bago ipinakilala ang kanyang mga panauhin ay ikinuwento muna niya na nakayanan niyang manirahang mag-isa sa panahon ng pandemic dahil hindi niya nakasama ang pamilya niya.

Aniya, “Marami akong na-discover sa sarili nu’ng panahon ng pandemic na hindi ako humingi ng tulong though hindi naman masamang humingi ng tulong kapag kinakailangan. Pero minsan ang sarap din ng challenge, di ba?

“Katulad na lang ng pagpapalit ng bombilya, wow parang ang hirap no’n ah! Ibig kong sabihin, trabaho ng lalaki, kaya ko rin palang gawin.

“Tulad ng nakatira ako sa 3rd floor (condominium building), siyempre nu’ng panahon ng pandemic, bawal nang pumasok ang delivery boys, nagde-deliver ng tubig mo, ganyan, mga galon ng tubig, so napaisip pa ako nu’ng una, ‘Angge, paano kaya, kaya mo ba (buhatin)?

“But then again, ‘wag mong masyadong dyina-judge si Angge dahil kaya ko, naiakyat ko ‘yung tatlong galon ng tubig though hindi siyempre sabay-sabay.

“Tapos halos maubos ko rin naman sa pagod na ginawa ko. Ang sarap sa pakiramdam na napu-prove mo ‘yung mga kayang gawin ng mga lalaki, e, kaya na ring gawin ng mga babae ngayon.

“At ang sarap sa pakiramdam na ma-realize na tayong mga babae ay ang powerful natin, woman on top ako!” pahayag ng aktres.

Pero may inamin ang aktres na hindi niya kayang gawin, “ayaw kong makakita ng ipis dahil baka pati ex (boyfriend) ko matawagan ko!”

Ito ang pahayag niya sa co-hosts niyang sina Kean Cipriano at Via Antonio na tinawag niyang “ka-TT” o katropang totoo o tropang tanga.

At ang unang ipinakilalang panauhin ni Angelica sa kanyang digital show na #AskAngelica ay isang iconic sa showbiz career, aspeto ng business dahil nanalo siya noong 2014 ng Gold Stevie International Business Awards.

“Sobrang iconic niya dahil pati ang nunal niya ay naging iconic na rin sa industriya at huwag na nating patagalin pa, Ma’am Charo Santos-Concio!” say ng host.

Unang tanong ni Angelica ay kung ano ang pakiramdam ni Ma’am Charon na maraming tumitingala sa kanya bilang woman on top. Dapat ba ang mga kilos at galaw ay perfect?

“Hindi naman, nagsimula naman ako bilang estudyante, nagsimula ako bilang production assistant sa show ni Mang Dolphy, ‘John & Marsha’ bago ako napunta sa larangan ng acting. After 5 years of acting (naisip ko) parang gusto ko yata ng production work put to good use kung ano ‘yung napag-aralan ko.

“Nagsimula muna ako by doing small independent action pictures, nahanay ako sa mga action pictures nagbibilang ako ng bala nu’ng bata ako, eh. Tumitingin ako sa mga stunt ng mga stuntmen kung gaano kataas ‘yung nilulundag nila kasi depende sa taas ang bayad mo, eh.

“Sa pag-asenso ko sa buhay through the years going up the ranks alam ko talaga ‘yung nangyayari sa baba, alam ko kung ano ang trabaho ng bawa’t isa sa set.

“Lahat ng ginagawa ng kasama ko sa set, puwede kong gawin ganu’n ako nagtrabaho, so dinala ko ‘yun hanggang sa pag-join ko ng isang corporate world. I maybe the producer but I work as a team player. Pagiging on top, requires also a lot of responsibility, eh,” kuwento ng dating Presidente ng ABS-CBN.

Ang ikawalang tanong ni Angge, “Pano po ‘yun Ma’am Charo, may pagka-workaholic kayo, pag trabaho, trabaho po talaga. Paano ngayon ano ang pinagkakaabalahan ninyo?”

“Hay naku, e, di naglilinis pa rin ako ng bahay ko, mahilig akong magpunas make sure everything is in order.

Believe it or not, I learned to play a piano just by studying the easy piano lessons in YouTube, ‘Can’t Help Falling in Love’ o di ba, ang ganda   Alam mo naman ako, romantic at heart.

“’Yung anak ko lang, si Francis who does musical scoring (shows) sabi niya, ‘mommy mag-aral ka naman ng ibang piyesa, ‘yan at ‘yan na lang ang naririnig namin.  Sabi ko, ‘minamaliit mo ako, one day (makikita mo).’ Ha-hahahaha!” tumatawang kuwento ng lady boss.

Ikatlong tanong, “Ma’am Charo, gustung-gusto ko po itong itanong bilang pumayag na po kayong pasukin ang kalokohang ito, ilang sulat na po ba ang nabasa ninyo (sa MMK)?”

Natawa ang MMK host, “Naku, hindi ko na mabilang.”

“Ay balikan po natin,” say ng aktres.

Hirit ni Kean, “Kailangan po accurate.”

“Milyun-milyon na kasi nu’ng nagsisimula pa lang (MMK) sako-sako ang dumarating na sulat.  Malaki ang nagawa no’n (mga kuwento ng ordinaryong tao) sa pagtingin ko sa buhay.

“Nagbabasa ako ng kuwento ng ibang tao, nakikita ko ‘yung mga dinadaanan nila, ‘yung mga problema nila, mas lumabas ‘yung pang-unawa ko na ang mundo pala, hindi umiikot sa atin lang na dapat ang kuwento ng bawat isa tinitingnan natin sa konteksto ng kanyang circumstances, konteksto ng kanyang dinaanan,” paliwanag ni Ma’am Charo.

Pang-apat na tanong, “Ang sarap ding malaman ng other side ninyo kasi very calm kayo, very understanding pero gusto po namin kayo makita kung paano naman kayo magalit.”

“Ay hindi ako nagwawala, mahaba ang pasensiya ko pero klaro sa akin ang hindi puwedeng malampasan na kapag nalampasan ‘yun, ay lumalabas ang sungay ko.  Kunwari dumarating sa punto na nagkakainsultuhan, nagkakapalitan ng masasakit na salita, ito lang ang sasabihin ko, ‘you know, we don’t need to insult each other, let’s just talk some other day. Angge, it’s not worth our wrinkles,” pahayag na may kasamang payo ni Ms. Charo.

“Ang dami nating natutunan sa ambag ni Ma’am Charo.  At saka nakikita ko po na tumutulong siya sa mga nagbi-business,” say ni Angelica.

“Yes, I support the small entrepreneurs,” sambit pa ng dating boss ng Kapamilya network.

Read more...