P35M luxury car ni Willie for sale na rin: Kahit kalahati na lang ng presyo


TULAD ng naipangako ni Willie Revillame sa sambayanang Filipino, hindi siya titigil sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo hangga’t meron siyang naiisip na paraan.

Matapos maibenta ang kanyang Range Rover sa halagang P7 million na ipinamahagi nga niya sa mga biktima ng Bagyong Ulysses, isa pang pag-aari niyang luxury car ang ipinabebenta niya ngayon.

Ayon sa TV host-comedian, pinahahanapan na rin niya ng buyer ang kanyang Rolls-Royce para mas marami pa siyang matulungang mga kababayan nating nawalan ng bahay at kabuhayan dulot ng sunud-sunod na kalamidad na tumama sa Pilipinas.

Sa nakaraang episode ng “Wowowin”, personal na ibinigay ni Willie kay Marikina Mayor Marcy Teodoro ang naipangako niyang P5 million (tseke) ayuda para sa kanyang mga nasasakupan na naapektuhan ng malawakang pagbaha sa Metro Manila.

Kasunod nga nito ang naging pahayag ng TV host na nagpapahanap na rin siya ng buyer ng isa pa niyang luxury car para maging pera.

“Kaya kinausap ko kanina yung pinagbenta ko ng Range Rover, sabi ko, ‘Yung isa kong kotse ibenta mo na rin.’ Kaninang umaga, sabi ko, ‘i-fastbreak mo na rin yung isa kong kotse para pupunta ako Cagayan tsaka Isabela.’

“Pinapabenta ko na rin po yung isa kong kotse na Rolls-Royce kahit na kung mura lang. Binili ko ng P35M, kahit kalahati na lang, sabi ko,” sey ni Willie.

Inulit pa niya ang naunang sinabi na hindi na niya kailangan ang mga mamahaling sasakyan lalo na sa mga panahong ito na hindi naman niya nagagamit ang mga pag-aaring sasakyan na milyun-milyon nga ang halaga.

Ipinagdiinan din niya na walang-wala sa isip niya ang tumakbo sa 2022 elections tulad ng sinasabi ng ibang tao. Wala raw ibang motibo ang walang-patid niyang pagtulong sa mga nangangailangang Pinoy.

“Hindi ko na naman kailangan na ‘yan, totoo ‘yan. Hindi po ito pagmamayabang o ano, ito po’y ginagawa ko,” aniya.

May mga nagsasabi raw sa kanya ng, “’Bakit mo ipinapakitang tumutulong ka?’ E, kanino ko ibibigay yung pera? Itatapon ko sa tao? And magpapapila ako?

“Siyempre sa mga local government. At gusto kong malalaman ng mga kababayan niyo na magbibigay ako para ho malaman niyo na may tumutulong sa inyo.

“Hindi naman ho ito oras na, ‘Tatakbo ka ba?’ Hindi ho. Wala sa isip ko ‘yan.

“Ang nasa isip ko, yung panahon ngayon, kung ano ang dapat gawin sa mga kababayan mo, di ba? Tulung-tulong, sama-sama tayo,” mensahe pa ng komedyante.

Paliwanag pa ng Kapuso host, “Kung may pagkakataon na maibenta yung isa kong sasakyan, tatakbo ako ng Cagayan, tatakbo ako ng Isabela. Yun ang gagawin ko. Tumutok kami sa inyong mga pangangailangan.”

Patuloy pa niyang mensahe, “Naisip-isip ko, napakabait ng Panginoong Diyos sa akin. Una na noong pandemya, may trabaho kami, yung aking mga staff, di kami pinabayaan.

“Humaharap ako sa mga tao minsan na wala akong mask, kasi minsan nakakalimutan ko, awa ng Diyos di ako nagkakasakit.

“Naisip ko, paggising ko isang umaga, tinawagan ko ang isa kong kaibigan. Sabi ko, ‘I-fastbreak mo nga yung isa kong kotse.’

“Aanhin ko yun, nasa garahe lang? Sa panahon na ‘to, hindi ko kailangan ng ganyan. Sabi ko, siguro ito na yung pagkakataon na makatulong ako sa mga kababayan natin ulit,” lahad pa ni Willie.

Read more...