Sa mga katulad naming beterano ng bagyong Ondoy, ang bawat dating ng bagyo, mula sa pangalang nagsisimula sa “A” at nagtatapos sa “Z” ay nagdudulot ng pangamba na baka maulit muli ang nangyari noong September 26, 2009 kung saan nalubog sa tubig at putik ang Marikina, Pasig, Cainta at ilang bayan ng Rizal.
Sa mga naging biktima ng Ondoy, mahirap limutin ang nangyari. Maraming nasira’t namatay. Sa aming parte, ito ay isang masamang karanasan na pilit naming kinakalimutan ngunit binabalik ng aming gunita at alaala tuwing umuulan at bumabagyo. Hindi dahil sa mga materyal na bagay na sinira at nawala sa baha, kundi dahil sa emotional stress na dinulot nito.
Ang pag-aalala at pag-iisip na baka may dumating na isang mala-Ondoy na bagyo o maulit ang isang bagyong Ondoy ay nagdulot ng emotional insecurity sa mga nabiktima ng bagyong Ondoy. Ito yung tuwing may bagyo o malakas na habagat, ikaw ay balisa at nangangamba na papasukin ng tubig baha ang bahay niyo at malulubog lahat ang mga sasakyan na nakaparada sa garahe.
Matapos ang maraming bagyong dumaan na nagbigay sa amin ng emotional stress at labing-isang taon ang nakalipas mula ng nagka-Ondoy, dumating ang aming kinakatakutang bagyo, isang mala Ondoy na bagyo, si Ulysses.
Katulad ng pinangangambahan ng marami, muli nitong nilubog sa tubig at putik ang Marikina, Pasig, Cainta at ilang bayan ng Rizal, lalo na ang San Mateo, Rodriguez at Montalban.
Sa pagkakataong ito, himala naman na nakaligtas kami sa bagyong Ulysses. Hindi pumasok ang tubig baha sa bahay (Cainta) bagamat mas mataas ng halos isang metro ang taas ng tubig sa Marikina River ng bagyong Ulysses kay Ondoy. May mga binaha ngayon sa bagyong Ulysses na hindi nabaha ng bagyong Ondoy at may mga katulad namin na hindi nabaha ngayon ngunit nabaha ng Ondoy. Hindi pa din malinaw kung bakit ganito ang nangyari.
Ang dulot na kapinsalaan ng bagyong Ulysses sa mga nasalanta nito ay maaaring ikumpara sa bagyong Ondoy o di kaya mas malalala pa.
—————–
Maaari bang maulit ang Ondoy at Ulysses? Kalikasan lang ang tanging makakasagot dito. Hindi kayang pigilan ng sensya at teknolihiya (science and technology) ang isang bagyong katulad ni Ondoy at Ulysses pero kaya natin itong paghandaan upang maiwasan ang malawakan pagbaha na magdudulot ng pahirap sa taong bayan.
Obligasyon ng ating National at Local Government na maglatag ng mga bagong proyektong imprastraktura upang maiwasan ang nangyaring malawakang pagbaha dulot ng Ondoy at Ulysses. Ang paglinis at paghukay ng Marikina River at iba ibang creek o canal na dumadaloy dito upang lumalim ito ay nagawa na. Nagpatayo na din ng mga dikes sa iba’t ibang parte ng Marikina river upang mapigilan ang pag apaw nito. Nagpagawa na din ng flood gate. Iba’t ibang paraan na ang ginawa ng ating gobyerno ngunit hindi nito lubusan napigil ang malawakang pagbaha dala ng ganitong klaseng bagyo.
Oras na para mag isip ang ating mga national at local leaders at gumawa ng bagong pamamaraan upang tuluyan masolusyonan ang laging pagbaha sa parte ng Marikina, Pasig, Cainta at ibang bayan ng Rizal.
Nangangailangan din ng agarang tulong ang bayan ng Cainta, Rodriguez, San Mateo, Montalban, pati na ang Marikina City. Sana mabilis silang mabigyan ng pinansyal na tulong sa pamamagitan ng maagang pag release ng kanila mga calamity funds na manggagaling sa kanilang mga IRA. Ito ay moral at legal obligations ng ating national government.