DongYan, DenJen, Dabarkads, Alden, Willie sanib-pwersa sa 2020 Paskong Kapuso

MULING nagsama-sama ang mga Kapuso stars para sa isang makabuluhan, madamdamin at punumpuno ng inspirasyong Christmas Station ID.

Talagang hindi matitinag ng pandemya, bagyo o kalamidad ang tibay ng puso ng mga Filipino.

Sa panahong humaharap sa maraming pagsubok ang bansa lalo na ngayong 2020, may dalang mensahe ng pag-asa ang GMA Network sa ating mga kababayan sa nalalapit na pagdiriwang ng Kapaskuhan.

Ngayong taon, bida ang pagkakaisa, pagtutulungan, at pagmamahalan sa Kapusp Christmas Station ID na “Isang Puso Ngayong Pasko.”

Tampok dito ang likas na mga karakter ng Pinoy: ang walang humpay na malasakit sa isa’t isa, subok na katatagan sa gitna ng anumang sakuna, at malakas na pananampalataya sa Diyos.

Kaisa ang mga Kapuso artists at News and Public Affairs personalities sa layunin ng Network na bigyang pugay ang magigiting na frontliners na nagsisilbing bayani laban sa banta ng COVID-19 pandemic pati na rin ang first responders nitong mga nagdaang bagyo upang sumaklolo sa ating mga kababayan.

Dahil sa kanilang sakripisyo at dedikasyon, maraming buhay ang naililigtas, at lalong namamayagpag ang bayanihan ng mga Pilipino.

Matutunghayan din sa station ID ang iba’t ibang initiative ng Kapuso stars upang makapagbigay ng tulong sa mga kababayan – karamihan sa kanila ay namahagi ng food packs sa frontliners, tulad ng Kapuso couple na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera na siya mismong nag-prepare ng mga pagkain.

Nandiyan din ang Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards na nag-donate mula sa kanyang restaurant; sina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado na namigay ng essential supplies habang ang “Eat Bulaga” Dabarkads naman ay may  kontribusyon sa 3D printing machines para sa paggawa ng PPEs.

Si Heart Evangelista naman ay namigay ng daan-daang tablets na magagamit ng mga estudyante sa remote learning; si Willie Revillame at ang kanyang donasyon sa jeepney drivers na nawalan ng trabaho at sa mga residenteng nasalanta ng bagyo sa Catanduanes; at marami pang iba na nagpa-abot ng tulong sa kani-kanilang paraan.

Sa gitna ng pandemya at ng kaliwa’t kanang kalamidad, naging saksi rin tayo sa patuloy na paghahatid ng Serbisyong Totoo ng GMA News and Public Affairs sa pag-uulat ng mga importanteng balita at impormasyon sa araw-araw.

Kitang-kita rin ang pagbabayanihan at ang agarang pagresponde ng GMA Kapuso Foundation sa mga pamilyang Pilipinong higit na nangangailangan mula sa iba’t ibang sulok ng bansa na apektado ng pandemya at mga naging biktima ng nagdaang hagupit ng mga bagyo.

Nais ng “Isang Puso Ngayong Pasko” na sa kabila ng lahat ng mga pagsubok ay patuloy pa ring magbuklod-buklod ang bawat isa sa pagdiriwang ng kaarawan ng ating Panginoon.

Naniniwala ang Kapuso Network na ang pagkakaisa ng pusong Pilipino ang gagabay sa atin upang maka-ahon sa anumang unos.

Read more...