Determinado ni Sen. Panfilo Lacson na tanggalan ng pondo sa 2021 proposed national budget na inaprubahan ng House of Representatives ang mga tinukoy nitong corrupt-ridden at skeleton multi-purpose building projects at ilipat ang budget para pondohan ang rehabilitasyon ng mga Local Government Units (LGUs) na nahagupit ng Bagyong Ulysses.
Ayon kay Lacson, may P68 bilyong alokasyon ang natukoy nitong kuwestiyunableng proyekto sa inaprubahang badyet ng Kamara, sa nasabing halaga ay isusulong nitong gamitin ang P20 bilyon para pondohan ang rehabilitasyong gagawin ng LGUs.
Katwiran ni Lacson, tama lamang na gawin ang realignment dahil ang National Expenditure Program (NEP) ay nagawa bago pa man ang pananalasa ng bagyong Rolly, Quinta at Ulysses.
“Local multi-purpose buildings (MPBs), which have a proposed appropriation of P68 billion for 2021, are merely duplications of programs not to mention those projects being convenient sources of corruption. If we augment the appropriations for local government units especially those hit by the typhoons, then they could very well rehabilitate and recover,” giit ni Lacson.
Samantala ang iba pang pondo ay iminungkahi ni Lacson na mailipat sa national broadband program ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Maliban sa mga kuwestiyunableng proyekto na pinondohan sa P4.5 trillion 2021 national budget ay una na din ibinunyag Lacson ang hind patas na hatian ng alokasyon sa mga infrastructure budget ng mga Kongresista na ang pinakamalaki ay mula sa distrito sa Davao, Benguet, Albay at Abra.
Ang isang Distrito sa Davao may budget sa infrastructure na aabot sa P15.351 bilyon, sa Albay ay P7.5 bilyon, sa Benguet ay P7.9 bilyon habang sa Abra ay P3.75 bilyon habang may ilan ay kakarampot na P42 milyon.
Sa halip na honor roll ay “horror roll” umano ang tawag sa mga kongresista na pinaboran sa mga bilyong infrastructure projects.
Tikom at wala pang ipinalalabas na reaksyon ang tanggapan ni House Speaker Lord Allan Velasco sa naging rebelasyon ni Lacson habang sinabi ni House Appropriations Committee Chairman at ACT CIS Partylist Rep. Eric Yap na ang Department of Public Works and Higways (DPWH) ang siyang nag-programa ng infrastructure projects kaya ang ahensya ang siyang nasa tamang posisyon na sumagot sa usapin.
Matatandaan na sa naging House Speakership row kamakailan ay ginawang isyu kay dating House Speaker at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ng mga kaalyado ni Marinduque Rep. at ngayon ay House Speaker Lord Allan Velasco na sina Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves, 1 Pacman Partylist Rep. Mikee Romero at Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon ang hindi pantay pantay na infrastructure allocation sa budget kung saan inakusahan ng mga ito si Cayetano na pinaboran ang ilang mga mambabatas.
Kasunod ng naging pagpalit ng liderato ng Kamara ay sa ilalim ng pamumuno ni Velasco napasa ang 2021 budget.