Ryan Bang tutulungang makauwi ang kababayang ramen vendor sa Korea

BALAK sanang umuwi ng Korea ang TV host-comedian na si Ryan Bang para sa darating na Pasko pero hindi na ito matutuloy nang makilala ang isang kapwa Koreano sa Las Piñas.

Nag-viral sa social media ang South Korean na si Jang Sam-hyun na nagtitinda ng Korean ramen sa Las Piñas. Siya rin ang nagbibigay ng libreng tubig sa mga motorista sa kanilang lugar.

Sa pamamagitan ng bago niyang vlog entry sa YouTube, ipinakita ni Ryan ang pagpunta niya sa tindahan ni Mr. Jang para personal na iabot ang kanyang tulong.

Mapapanood sa video ang sobrang kaligayahan ni Mr. Jang nang makausap ang kanyang kababayan. Maluha-luha rin itong nagkuwento ng mga karanasan niya bilang ramen vendor.

Sabi ng 76 anyos na Koreano kay Ryan, siya raw ang unang Koreano na bumili sa kanya ng ramen na may kasama pang bonus na ayuda.

“Nandito po ako ngayon sa Las Piñas City dahil napanood ko po ang isang balita na meron daw dito isang Koreano na 76 years old na nagbebenta ng ramen sa kalsada. Wala raw siyang pamasahe papunta ng Korea,” bungad na pahayag ni Ryan sa madlang pipol.”

Ngayong Pasko, mukhang hindi po ako makakauwi ng Korea dahil may Showtime pa. ‘Yung pang-uwi ko po ng Korea, ibigay natin sa kanya para tulong-tulong. Kung gusto niya talaga makauwi sa Korea, ibibigay ko na lang sa kanya ‘yung ticket ko,” anang komedyante.

Isang white envelope ang ibinigay ni Ryan sa kanyang kababayan, “I wanted to give you money so you can go back home I wanted to help with buying your plane ticket to Korea. I hope it helps you buy your ticket,” sabi ni Ryan sa salitang Korean.

“Maraming salamat sa lahat ng mga Filipino na tumulong sa aking kababayan. Maraming salamat sa inyo. Thank you so much,” sambit ni Ryan kasabay ang pag-aabot niya ng tulong kay Mr. Jang para makabalik na ito sa kanilang bansa.

Mensahe naman ni Mr. Jang kay  Ryan sa salitang Koreano rin, “Thank you. You are the first Korean to come. No Korean has ever come to see me. No one has even bought ramen. You’re the only one.”

“I’m 76 years old. If something good happens to me, I will repay these people back for all the help they gave me,” dagdag pa ng Koreano.

Nabatid na nasa Korea ngayon ang pamilya ni Mr. Jang at siya naman ay inabutan na ng lockdown dito sa Pilipinas noong Marso.

May kaibigang Koreano rin daw ang tumulong kay Mr. Jang para makapagsimula ng ramen business at makahanap ng matitirhan pansamantala.

Napadpad daw sa Pilipinas si Mr. Chang 20 taon na ang nakararaan at nagpabalik-balik na nga sa bansa hanggang sa may nangyaring hindi maganda sa kanyang buhay kung saan unti-unting nawala ang lahat ng kanyang ari-arian.

Dahil dito at sa matinding depresyon na naranasan, naisipan na raw noon ni Mr. Jang na kitilin ang sariling buhay kaya sabi sa kanya ni Ryan, “Please don’t do that. You still have your family.”

Read more...