Labi ng ina ni Angeline na-cremate na: Hanggang sa muling pagkikita, mahal na mahal kong Mama Bob


NA-CREMATE na ang labi ng adoptive mother ni Angeline Quinto na si Sylvia Quinto o mas kilala ng madlang pipol sa tawag na “Mama Bob”.

Matapos ma-postpone ang cremation nu’ng kasagsagan ng Bagyong Ulysses ay natuloy din ito kahapon, Friday the 13th.

Nag-post si Angeline ng litrato niya sa Instagram habang hawak ang urn kung saan nakalagay ang abo ng kanyang namayapang nanay.

“My Angel. I love you, Mama. Forever,” ang maikling caption ng dalaga sa kanyang IG post.

Bago nga ito, ipinaalam ni Angeline sa kanyang mga kapamilya at kaibigan ang naging desisyon niya tungkol sa gaganaping cremation last Thursday.

“Mama Bob, ‘di ko muna pinatuloy ang cremation mo ngayon ha. Ang lakas kasi ng hangin at ulan kanina e. Alam ko naman ayaw mo yun, eh.

“Bukas na lang Mama Bob ha. I love you very much, Mama. Sobra Ma. I miss you, Mama Bob kong mahal na mahal,” aniya pa.

Sa isa pang post ni Angeline, muli siyang naglabas ng saloobin tungkol sa pagpanaw ni Mama Bob at mukhang matatagalan pa nga ang kanyang pagluluksa.

“Good morning Mama Bob. Alam na alam mo kung gaano kita kamahal at namimiss. Nasa pinakamagandang lugar ka na Mama Bob.

“Mag-enjoy ka diyan Mama ha. Siguro lagi kang nakangiti dyan. Basta Mama, lahat ng itinuro mo sa akin habang buhay ko ‘yang babaunin.

“Mahal na mahal na mahal kita Mama Bob ko. Ang naging mundo at pangarap ko. Ang ULTIMATE IDOL NG BUHAY KO,” aniya pa.

Mensahe pa ng dalaga sa kinalakihang ina, “Hinding-hindi ako mapapagod sa pagpapasamalat sayo Ma, dahil sa pagkakataong ibinigay mo sa akin para maging anak mo.

“Mag-iingat ka sa paglalakbay Mama. Hindi man kita maalalayan sa paglalakad ngayon patungo sa paraiso, masaya ako nandiyan ang Panginoon para umalalay sa ‘yo… Hanggang sa muli nating pagkikita, MAHAL NA MAHAL KONG MAMA BOB.”

Read more...