PARA makatulong sa mga nasalanta ng Bagyong Ulysses, ipinagbebenta na ng rapper-songwriter na si Gloc-9 ang ilan sa koleksyon niya ng sapatos.
Ayon kay Gloc-9 o Aristotle Pollisco sa tunay na buhay, mas mabuting pakinabangan na lang ito ng ibang tao at maging pera para mai-donate niya sa mga kababayan nating nawalan ng bahay at kabuhayan dulot ng Typhoon Ulysses.
Ipinost ng OPM icon sa kanyang Instagram ngayong araw ang tatlong pares ng kanyang Air Jordan shoe collection para sa mga interesadong bumili.
Ang mga nasabing sapatos na siguradong pag-aagawan ng mga mahihilig ding mag-collect ay ang Air Jordan 11 Retro, Air Jordan Legacy 312 Low at Air Jordan Legacy 312.
Caption ni Gloc-9 sa kanyang IG post, “Presyohan nyo na!!! wala nang arte arte! Di ko naman na nagagamit yan mga yan.
“Mas mabuti mapakinabangan yung mapag bentahan ng mga mas nangangailangan,” aniya pa.
Nagbigay ng cellphone number si Gloc-9 para doon tumawag o mag-text ang mga gustong sumali sa bidding.
Kasabay nito, pinaalalahanan din niya ang lahat ng mga nasalanta ng sunud-sunod na kalamidad sa bansa na huwag mawawalan ng pag-asa at patuloy lang lumaban sa mga pagsubok ng buhay.
Dahil sa bagsik ng Bagyong Ulysses, binaha ang maraming lugar sa Luzon, kabilang na ang Metro Manila at kalapit na mga probinsya.
Bukod kay Gloc-9 marami pang celebrities ang nagbigay ng tulong sa mga biktima ni Ulysses kasabay ng panalangin para mas mabilis makabangon ang ating mga kababayan.