HINDI materyal na bagay ang gustong iregalo ng sikat na YouTuber na si Mimiyuuuh sa kanyang sarili para sa kanyang kaarawan.
Ayon sa vlogger at social media influencer nais lamang niyang mag-social media detox o magpahinga sa socmed kahit isang araw lang.
Naging super busy ng 2020 para kay Mimiyuuuh at kahit nga may COVID-19 pandemic ay hataw pa rin ang kanyang career, kabilang na riyan ang kanyang mga bagong endorsements.
Kamakailan lang ay ibinalita niya sa kanyang social media followers na nabili na rin niya ang matagal na pinapangarap na bahay para sa sarili at sa kanyang pamilya.
Kaya ang naisipan ni Mimiyuuuh na gawin sa kanyang birthday bilang regalo sa sarili ay ang mag-break pansamantala sa social media.
Tweet ng in-demand na vlogger, “Social media detox as a birthday gift for myself. HAPPY BIRTHDAY TO ME.”
Patuloy pa niyang mensahe, “And as a gift for myself gusto ko po magkaroon ng you know social media detox po kahit for a day lamang po and don’t worry guys, nare-receive ko naman po ‘yung mga messages ninyo, mga birthday greetings, hindi ko lang po sila nare-read or nababasa.
“So huwag po kayo magalit kasi gusto ko rin po you know to give time for myself and lumayo muna ako sa mga social media and I think that’s the best gift for myself,” dagdag pa ni Mimiyuuuh.
* * *
Nominado ang ilang Kapuso stars at personalities sa 33rd Aliw Awards na nakatakdang ganapin sa Dec. 8.
Nakatanggap ng nominasyon si Golden Cañedo para sa mga kategoryang Best Female Performance in a Concert at Best New Artist.
Nominado rin si Jeremiah Tiangco bilang Best New Artist.
Samantala, nominado rin si Donita Nose bilang Best Stand-up Comedian, habang si Paolo Valenciano naman ay lalaban bilang Best Stage Musical Director for a Musical para sa “Joseph The Dreamer.”
Nakatanggap din ng tatlong nominasyon ang “1 FOR 3” concert kung saan nominado si Paolo para sa Best Concert Stage Director category, si Mel Villena bilang Best Musical Director for a Concert, at sina Christian Bautista, Aicelle Santos, at Mark Bautista para sa kategoryang Best Collaboration in a Concert.
Kabilang din sa nominees sa kategoryang Best Collaboration in a Concert sina Pops Fernandez at Martin Nievera para sa “Two-gether Again” at sina Lani Misalucha, Basil Valdez, at Ryan Cayabyab para naman sa “And The Story Begins.”