MISMONG ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes ang naging rider para sa isang order mula sa kanilang delivery app na DingDong PH.
Ang mister ni Marian Rivera ang naatasang mag-deliver ng seafood na ibinebenta ng kapwa niya Kapuso actor na si Neil Ryan Sese.
Magkasama rin ang dalawa sa award-winning Kapuso primetime series na “Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation)” kaya may hugot ang post ni Dingdong sa kanyang Instagram page.
Ayon sa Kapuso actor, magkaaway man ang mga karakter nila sa kuwento ng “DOTS PH” tag team naman sila sa tunay buhay lalo na pagdating sa business.
Ipinost ni Dong sa IG ang litrato nila ni Neil matapos ang kanilang assignment para sa DingDong PH.
“Rivals on TV, but tag team (and proud) delivery boys in real life. Happy to have delivered fresh seafood from K&G Seafood with Neil Sese today. Ingat tayong lahat sa kalsada sa paparating na bagyo. #YouRingItWeBringIt,” caption ni Dingdong sa kanyang IG post.
Humahataw na ngayon ang delivery business ng aktor kung saan katuwang nga niya ang ilang manggagawa mula sa film at TV industry na nawalan ng trabaho dulot ng pandemya.
Ang mga ito ang nagsisilbing delivery rider ng bagong negosyo ni Dingdong. Inaasahang mas mabilis na makakaarangkada muli sa kanilang buhay ang mga displaced workers ng entertainment industry dahil sa naisip na business ng Kapuso actor.
Bago ito, siniguro rin ni Dingdong ang safety ng kanilang riders pati na ng mga kliyente nila.
“Alam n’yo marami talagang walang puso na nagagawa ‘yun para lang manloko ng kapwa. That’s why ‘yung mga safety measures talagang tina-tighten natin dito sa app,” pahayag ng aktor.
Talagang inayos daw muna nila ang iba’t ibang payment options, “One way really is to automate everything, especially the payment.
“So halimbawa um-order, we will make sure that we all have the possible payment gateways para do’n pa lang matapos na ‘yung order mo, para ma-confirm na bayad na, ide-deliver na lang.
“Hindi ‘yung pagdating [ng rider] do’n, hindi pala sa ‘yo ‘yung order tapos wala ‘yung magbabayad, ‘di ba,” paliwanag pa ni Dingdong.
Diin pa niya, “Kasalukuyang pinapaganda pa para maging seamless pa ‘yung customer experience so para kapag nag-order kayo, talagang walang kapalya-palya.”